Abante Tonite Interactive

Ibinasura ng Ombudsman!

0 430

Gaya ng inaasahan, iniurong na ng Office of the Ombudsman ang kasong graft at usurpation na isinampa nila sa Sandiganbayan laban kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III. Kaugnay ito sa nangyaring pagkasawi ng 44 na bayaning miyembro ng Special Action Force (SAF) sa isang operasyon laban sa mga terorista sa Mamasapano, Maguindanao. Pero ang ilan nating kurimaw, tila may naamoy na hindi maganda.

Pero bago iyan, good news muna tayo. Ibinida ng mga opisyal ng Philippine Statistics Autho­rity (PSA) na patuloy daw ang pagbaba ng inflation [o ang sukatan sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin] nitong nakaraang Hunyo. Mula sa dating 3.2 percent noong Mayo, naging 2.7 percent ito.

At pagmamalaki pa nila, ito na ang pinakamababang inflation na naitala raw mula noong August 2017 na 2.6 percent. Sabagay, noong Hunyo 2018, aba’y pumalo sa 5.2 percent ang inflation. Pero ang magandang tanong ng ating mga kurimaw — ramdam ba ng mga Pinoy na dalawang kahig, isang tuka ang mabagal daw na pagmahal ng bilihin?

Abante Hiring – IT dep

Ang puna kasi ng ilan nating kurimaw, hindi pa rin bumababa ang singil sa pamasahe kahit natapyasan na uli ang presyo ng mga produktong petrolyo. Ang pa­ngakong pagbaba ng presyo ng bigas na katulad ng P27 o P30 per kilo ng bigas ng NFA, hindi pa rin nararamdaman kahit naipatupad na ang Rice Tariffication Law, o ang malayang pag-angkat ng mga bigas. Ang presyo ng kuryente, masakit pa rin sa kilay. Higit sa lahat, bawal pa rin magkasakit at mamatay ang mga hikahos dahil mahal pa rin ang gamot, ang pagpapaospital, at maging ang palibing.

Ngunit kahit papaano, sana nga ay totoo ang survey na nababawasan na ang mga Pinoy na nagsasabing mahirap sila. Magandang balita rin ang sinasabi ng mga economic manager na nananatiling maganda ang takbo ng ekonomiya at on-target ang mga ipinangako nilang mga infra project na inaasahang makatutulong na maibsan ang trapiko sa Metro Manila.

Sabagay, ang pagpapalakas ng ekonomiya at ang pagiging propes­yunal ng militar ang isa sa mga tinutukan noon ni dating Pangulong Noynoy, na naipamana niya sa kasalukuyang administrasyon ni Pre­sident Mayor Digong Duterte. Sana nga eh magtuloy-tuloy ang pag­lago ng ekonomiya at mapakinabangan ng mga Pinoy, lalo na ng mga mahihirap. Iyon nga lang, tila nakikisawsaw ang ilang Intsik.

Balik na tayo kay ex-PNoy [short for ex-Pres. Noynoy]; inihayag na nga ng kasalukuyang Ombudsman na si Samu­el Martires, na iniurong na nila ang ‘information’ na isinampa nila sa Sandiganbayan kaugnay sa graft and usurpation charges laban sa dating pangulo kaugnay ng Mamasapano case.

Sabi ng Ombudsman, walang sapat na katibayan at basehan para ihabla si ex-PNoy sa nabanggit na kaso. Kahit ang ilang miron sa usaping ligal, tiwalang hindi uubra ang natu­rang alegasyon sa isang pangulo na karaniwang nagbibigay lang ng ‘go signal’ sa operasyon na ipinipresenta ng mga opisyal nila.

Pero may mga kurimaw tayo na nagdududa sa ginawang pag-urong ng kaso. Ang dahilan, nakasaad sa mosyon nila ang mga katagang “without prejudice to the filing of appropriate charges against the accused after the conduct of preliminary investigation.”

Ano ang ibig sabihin nu’n? Aba’y puwede pa rin silang maghain ng ibang kaso laban kay ex-PNoy sa katulad na usapin ng Mamasapano incident. At ano kaya ang posibleng sunod nilang ikaso sa da­ting pangulo? Ang mas mabi­gat na homicide case na hinihirit ng Vo­lunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Sa isang ulat, sinabi ni Martires na wala raw silang balak na itulak ang homicide case laban kay ex-PNoy, na ibinasura na noon ng dating Ombudsman na si Conchita Carpio Morales.

Sa darating na Hulyo 12 ay magkakaroon ng pagdinig sa naturang usapin at hintayin natin kung masusunod ang sinabi ni Martires. Kung hindi man at ma­tuloy na sampahan ng ibang mas mabigat na kaso si ex-PNoy, hindi na kataka-taka dahil posibleng may ibang opisyal na nais na ma­ging ‘busy’ ang dating pangulo sa pagharap sa kaniyang mga kaso, kaysa bantayan ang mga nangyayari sa bayan — tulad sa West Philippine Sea sa tatlong taon ng kaniyang administrasyon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”