Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ice plant nambulabog sa singaw ng ammonia

0 173

Nabulabog ang mga residente matapos na makalanghap ng ammonia na sumingaw umano mula sa isang ice plant sa Barangay NBBS, Navotas City kahapon ng umaga.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection kasunod ng ulat na sumingaw ang ammonia mula sa pasilidad ng Magsimpam Ice Plant and Cold Storage na matatagpuan sa North Bay Boulevard, Brgy. NBBS.

Ayon kay BFP Supt. Eugene Briones, walang matindi o malakas na amoy ng ammonia na sumalubong o nalangahap ang mga rumespondeng tauhan ng ahensiya.

Naagapan aniya ng bahagya ang amoy ng sumingaw na ammonia sa pamamagitan ng pagsasara ng mga bypass valves at nagsagawa na rin ng vacuum operation upang mahigop ang mga ammonia residue sa planta.

Sinabi ni Briones na batay sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon ng mechanical failure ang cooling tower system na sanhi ng pagsingaw ng ammonia.

Aniya, inirekomenda nila ang paglalagay ng gas leak monitoring system sa ice plant upang agad na matukoy ang pagsingaw ng ammonia at hindi na maulit pa ang insidente.

Sinabi naman ni Roey Ganzo, duty maintenance crew ng planta na maaaring sa condense/header component ng cooling tower nagmula ang pagsingaw ng ammonia at nakatakda sanang isailalim sa maintenance check-up ito. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.