Abante Tonite Interactive

Iceland napaniwala ng mga aktibista sa EJK — Palasyo

289

May hinala ang Malacañang na mga aktibista ang nagbigay ng maling impormasyon sa Iceland para isulong sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang pagpapaimbestiga hinggil sa mga sinasabing extrajudicial kil­ling sa Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagtataka kung bakit ginawa ito ng Iceland, at pangalawa na aniya itong ginawa ng nabanggit na bansa.

“Until now, he (President) is in wonderment why Iceland is doing that. He can only speculate… or the two of us can only speculate that maybe some activists either from this country or elsewhere are feeding Iceland with the wrong information. And Iceland naman is so naive to accept everything that it hears or receives,” ani Panelo.

Dahil dito, sinabi ni Panelo na pinag-aaralan na ng Pangulo ang posibilidad na putulin ang ugnayan sa nabanggit na bansa.

Hindi naman nababahala ang Malacañang sa posibleng magiging epekto ng planong pagputol sa diplomatic ties sa Iceland dahil nasa dalawang libo lamang aniya ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa nabanggit na bansa.

Sinabi ni Panelo na wala ring trade relations na dapat pangilagan sa Iceland dahil wala namang malaking puhunan na inilagak ito sa Pilipinas.

“He is seriously considering cutting diplomatic ties with Iceland. There are only about two thousand Filipinos there and, as far as we know, there are no trade relations between these two countries – except maybe on fish. ‘Di ba, fish ang kanilang main doon ‘di ba? We are not—hindi ako familiar doon. Tatanungin ko pa nga iyong ano eh, si Sec. Lopez,” dagdag pa ni Panelo.

Kasabay nito nilinaw ng kalihim na hindi pinag-iisipan ng Malacañang na buweltahan ang mga bansang sumuporta sa Iceland para makapag-imbestiga ang UNHRC sa Pilipinas. (Aileen Taliping)