Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Idol

0 372

Ngayong ika-8 ng Marso ay ipagdidiwang natin ang National Women’s Day at sa buong buwan ng Marso naman ang National Women’s Month. Sa okasyong ito, bigyang pugay natin ang napakahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa ating lipunan. Marami tayong matatawag na idolo at inspirasyon sa hanay ng mga kababaihan na nangunguna noon at ngayon bilang lider ng pagbabago sa ating bayan.

Hindi na ako lalayo pa kung idolo ang pinag-uusapan sa hanay ng mga natatanging babaeng pinuno sa Taguig at maging sa buong bansa. Si Congresswoman Lani Cayetano, ang sinundan ko bilang punong lungsod ng Taguig, ang idolo ko sa galing ng pamumuno ng mga kababaihan. Si Congw. Lani o Ate Lani ang First Female Mayor ng Taguig at kabiyak ng aking kuya, Congressman at dating Speaker Alan Peter Cayetano. Ang galing ni Ate Lani ang nagsisilbing gabay ni Kuya Alan at silang dalawa ang kapupunan ng bawat isa sa pagseserbisyo sa bayan. Marami ang kanyang naipatupad na magaganda at epektibong mga programa para mapaunlad ang lungsod ng Taguig. Silang dalawang mag-asawa ang maituturing kong mga ehemplo ng tapat, maaasahan at magaling na pamamahala sa gobyerno.

Bago pa man maging punong lungsod ay aktibo na si Ate Lani sa pagsasakatuparan ng mga proyekto para sa mga bata at kababaihan. Siya ay nagtaguyod din ng mga inisiyatibo para maabutan ng tulong ang lahat ng sektor lalong lalo na ang mga higit na nangangailangan nito.

Bago umupo si Ate Lani noon, masasabing isang natutulog na komunidad ang Taguig. Bukod pa rito ay talamak noon ang ilegal na droga kaya’t problema rin ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.

Nang siya ay palaring manalo bilang mayor noong 2010, sinolusyonan agad ni Ate Lani ang mga problema ng Taguig upang mabago ang imahe nito at maibigay sa mga Taguigeño ang mga benepisyong nararapat para sa kanila.

Naging mabilis at maayos ang pagsasalin sa akin ni Ate Lani ng responsibilidad bilang mayor. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, mahusay niyang inilatag ang kanyang mga reform programs para ma-iangat ang Taguig at gawin itong isa sa mga pangunahing central business districts sa bansa.

Unang una, sa kanyang pamumuno nakilala ang Taguig para sa dekalidad na edukasyon. Kanyang sinimulan ang “Lifeline Assistance for Neighbors In Need of Scholarship” o L.A.N.I. Scholarship Program. Dito, ang mga high school graduates ng Taguig public schools, karatig-bayan at lungsod ay mabibigyan ng college scholarship vouchers na P15,000 hanggang P25,000 kada taon kapag sila ay naka-enroll sa non-State Universities and Colleges sa Metro Manila. Ang mga kabilang naman sa Top 10 graduates ng Taguig public schools at mga naka-enroll sa University of the Philippines (UP) at iba pang educational institution na certified bilang Centers for Excellence ng Commission on Higher Education (CHED) ay nakakatanggap ng P40,000 hanggang P50,000 na scholarship. Kumpleto ang mga benepisyong ito hanggang matapos nila ang kanilang college o technical-vocational studies.

May natatanggap rin ang mga graduates ng public high schools ng Taguig at mga taga karatig-lungsod na enrolled sa State Universities and Colleges o SUCs at private schools. May tulong pinansyal at cash incentives para sa mga takers ng bar exam at medical board exam na taga-Taguig.

Kasama rin ang public school teachers sa scholarship program. Mayroon silang scholarship benefits kung sila ay magpapatuloy sa masteral at doctoral studies.

Sinimulan rin ni Ate Lani ang programang pagbibigay ng kumpletong sets ng notebooks, books, school supplies, health kits, bags, uniforms at shoes para sa mga naka-enroll sa public elementary at high schools sa Taguig.

SM food to go Banner Ad

Sinasalamin ng magandang edukasyon sa Taguig ang bunga ng mga programang ito. Mula sa rank na 13th noong 2009, naging 7th ang Taguig ng 2012, 3rd ng 2013, at 1st ng 2014 at 2015 sa National Achievement Test (NAT).

Sa mga programang pangkalusugan naman, inayos ni Ate Lani ang kondisyon ng mga barangay health centers, dinagdagan ang mga doktor, nurse, dentista at sanitary inspectors para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Taguigeños. Lahat ng Taguig residents ay may 40% discount sa Taguig-owned hospitals.

Sa halos sampung dekada ng kanyang pamumuno ay DOH at PhilHealth Accredited ang lahat ng 31 health centers at tatlong super health centers ng lungsod.

Kay Ate Lani nagsimula ang pagkakaroon ng tatlong Super Health Centers sa Taguig na matatagpuan sa North Signal, Napindan, at Central Bicutan. Dito ay may mga mini-ambulance para sa pag-transport ng pasyente sa TPDH kung kinakailangan, lying-in services at iba pang medical services para sa minor emergencies.

Sa paglaban natin ngayon sa pandemya, ang 819 Barangay Health Workers ng Taguig, na karamihan ay binubuo ng magigiting na mga kababaihan, ay ang ating mga kaagapay sa pagtugon sa medikal na pangangailangan ng ating mga kababayan. Walang tigil ang kanilang serbisyo at sakripisyo para protektahan ang ating kalusugan at kaligtasan.

Bukod dito, sa pamumuno rin ni Ate Lani nagsimula ang pagkakaroon ng Taguig ng mga libreng gamot at maintenance medicines para sa mga residente ng lungsod. Ito ay binibigay sa pamamagitan ng house-to-house delivery para sa mga kababayan natin sa Taguig na may asthma, hypertension at diabetes.

Hindi maipapatupad ang mga programang ito kung walang pondo ang lokal na pamahalaan. Sinigurong mababa ang tax rate at nagtayo ng malawak na center para sa Business One-Stop Shop upang maakit ang mga negosyanteng mag-invest sa lungsod.

Ang tax rate sa Taguig ang isa sa pinakamababa sa Metro Manila. Mas mababa ang buwis sa Taguig para sa malalaki at maging sa maliliit na negosyante kumpara sa ibang lungsod. Dahil dito, nag-usbungan ang napakaraming negosyo sa Taguig. Mayroong mga call centers, factories at manufacturing companies sa lungsod at mga sikat na restaurants at shops sa Bonifacio Global City, Uptown Mall, Venice Piazza Mall, Market Market at Vista Mall.

Kung galing sa trabaho at pamumuno ang pag-uusapan, si Congresswoman Lani ang isang napakagandang ehemplo nito. Saludo kay Ate Lani at sa lahat ng kababaihan sa bansa at buong mundo na patuloy na nagpupursigi tungo sa pagbabago. Maraming salamat sa inyong walang tigil na pagmamahal sa kapwa at bayan.

Mabuhay at Happy Women’s Month!

Leave A Reply

Your email address will not be published.