Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Igalang ang desisyon ng mayorya

0 90

Katatapos lamang ng eleksiyon at hindi pa man opisyal na naiproklama ang nanalong mga bagong halal na mga opisyal ng gobyerno ay kaliwa’t-kanang kilos protesta na ang ginagawa ng iba’t ibang grupo sa mga tanggapan ng Commission on elections sa Intramuros at ilan pang lugar sa bansa.

Hindi ba parang masyado pang maaga para mag-protesta dahil hindi pa naman opisyal na idineklara ng Kongreso ang opisyal na nanalong mga kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente?

Ngayong tapos na ang eleksiyon at lumabas na ang desisyon ng nakararaming Pilipino, dapat itong igalang ng mga hindi pinalad sa kanilang mga kandidato.

May demokrasya sa ginawang pagboto at malaya ang bawat botante na naghalal ng kanilang napusuang kandidato kaya dapat na malinaw ito sa lahat.

Walang pinilit o tinakot na iboto si ganitong kandidato kaya dapat lawakan ang pang-unawa ng mga nagdidilim ang isip at mahimasmasan at tanggapin ang katotohanan na mas marami ang sumuporta sa ibang kandidato kaysa sa manok nila.
Oo, masakit sa inyo dahil hindi nanalo ang gusto ninyo, pero hindi ibig sabihin nito ay magwala at mamerwisyo kayo sa harap ng mga tanggapan ng gobyerno .Huwag ganon.

Sa ayaw o sa gusto ninyo, mayroon ng nahalal na bagong lider ng bansa na magpapatakbo sa gobyerno sa susunod na anim na taon kaya dapat tayong sumunod. Kung ayaw ninyong sumunod, nasa inyo na yon. May batas namang katapat sa bawat kilos na hindi naaayon sa interes ng sambayanan.

SM food to go Banner Ad

Matapos ang siraan, pangungutya at pagmamaliit sa mga hindi kakampi, simulan na ang paghihilom ng mga nasaktang ego at maging mabuting mamamayan na lang po tayo.

Huwag nating iasa lahat sa bagong presidente ang ating kinabukasan, bagkus ay tayo pa rin ang gagawa at huhubog sa buhay na gusto nating makamit.

Huwag umasa na ang bagong presidente ang magsusubo ng ating pagkain araw-araw dahil nasa atin pa rin ang pagkakataon at oportunidad para pagandahin ang ating buhay.

Buksan at lawakan natin ang ating pag-iisip, tapos na ang eleksiyon kaya harapin naman natin ngayon ang bukas ng may pag-asa sa pamamagitan ng pagkakaisa.

Kapag watak-watak, babagsak ang bansa at damay lahat ang Pilipino, pero kapag nagkakaisa, sabay-sabay na babangon ang Pilipinas tungo sa mas magandang kinabukasan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.