Abante Tonite Interactive

Igan, Mariz umalma sa Kikiam, maling ID ng SEA Games

0 839

Ni Rona Ronda

Hindi maganda ang naging feedback ng Southeast Asian Games (SEAG) sa social media. Kaliwa’t kanang pamba-bash ang inabot ng mga namamahala rito.

Mapa-ID, tubig at pagkain ang inirereklamo na animo’y hindi handa ang ating bansa na i-host ang 30th SEA Games. Naging katatawanan sa iba ang mga pagkaing inihanda na wala umanong sustansya para sa mga maglalarong atleta.

Marami ang natawa at napailing sa typographical error na nangyari sa ID ng beteranong reporter na si Raffy Tima, napaghalo kasi ang pangalan niya sa asawa niya ring reporter na si Mariz Umali.

Reaksyon ni Mariz sa “Unang Hirit” mediacon para sa 20th Anniversary, “Nagulat ako na natawa, pero hindi natawa para pagtawanan sila kaya lang nu’ng nakita ko ‘yun grabe mahal talagang conjugal tayo sa lahat ng bagay.”

Bukod sa pag-post ni Raffy Tima ng kanyang epic fail na ID sa social media, hindi na sila gumawa pa ng aksyon. Paliwanag pa ni Mariz, “Hindi na namin sila tinawagan pa para ipa-correct pa ‘yung isang minor mistake siguro. Sa tingin ko ‘yung ginawa ni Raffy na parang calling out to them through the social media parang paraan na rin ‘yun para … siguro kung halimbawa mayroon pa silang time to correct, they can issue another ID pero kung wala ng panahon dahil mas busy na po sila sa ibang mga bagay, okay na rin basta papasukin lang po nila kami.”

Nag-trending din sa social media ang Kikiam at Itlog na ipinakaing almusal umano para sa mga atleta. Marami ang nainis, natawa, nahiya at tinawag pa itong “Breakfast of the Champion”.

Nagreak rin si Mariz sa makasaysayang Kikiam breakfast. Hindi pa umano niya nasubukan na kumain ng kikiam bilang almusal.

Aniya, “Favorite ko ang kikiam sa meryenda. Kasi parang halimbawa nasa field ako lagi kong hinahanap-hanap kikiam at saka squidballs pero pinapapak lang. Sa almusal gusto ko pa rin talaga ‘yung bangusilog.”

Samantala, para kay Arnold Clavio, hindi dapat tino-tolerate ang mga ganitong klaseng pagkakamali. Maliit man o malaki ay dapat matuto sa nagawang pagkakamali.

Maging siya ay ibinahagi rin ang trending “ID” ni Raffy. Aniya, “Pinost ko ‘yun eh sabi ko mahirap na kapag ang tagapagbalita ay mabalita. Pero kailangan natin i-post ‘yun eh para mamulat naman ang iba.”

Paliwanag niya pa, “Kasi kami rito sa Unang Hirit, hindi naman sa perpekto kami, pero kapag ikaw nagkamali sa maliit na bagay, wala kaming tiwala na hindi ka magkakamali sa malaking bagay.”