Abante Tonite Interactive

Iisa ang pulso

By
12

Halos magkakatugma ang pananaw ng mga mambabatas sa isinusulong na pagpapaliban sa barangay election na itinakda ngayong Oktubre 31.

Dahil sa pagsuspinde sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election, paniguradong marami ang magbubunyi lalo na ang mga kapit-tuko sa puwesto.

Sa mga abot-tengang ngiting mga incumbent barangay officals ay maghinay-hinay muna kayo dahil may pinaplano ang Kongreso.

Ito ay ang pinapla­nong pagsingit ng probisyon na magbibiga­y kapangyarihan kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte na magtalaga o mag-appoint ng mga uupong mga opisyales ng barangay at SK.

Dahil tapos ang termino bilang mga halal na barangay captain at barangay kagawad ay pinaplano ng Kongreso na bigyan ng kapangya­rihan si PDU30 na mag-appoint na lamang ng mga barangay officials bilang officer in charge (OIC).

Ang hangaring ito ay isusulong upang mawala sa kapangyarihan ang mga barangay captains at mga barangay kagawad na sangkot sa iligal na droga.

Sang-ayon din tayo sa ikinakamadang hakbanging ito ng Kongreso sa pangunguna ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Alam nating mahirap mamili pero nariyan naman ang malawak na intel ng Pangulo na alam nating may kakayahang bumusisi sa background ng bawat barangay officials kaya makasisiguro tayong matino ang kanyang ia-appoint.

Ibig sabihin, walang dahilan para magsaya ang maloloko at mara­ming kalokohang mga barangay official.

Sa record sa mahi­git 44,000 mga barangay sa bansa ay 94% dito ay apektado ng iligal na droga kaya hindi posibleng maraming barangay captain ang sangkot dito.

Pero sana bukod sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa ope­rasyon ng iligal na droga ay isama rin ang mga korap at mahilig gumawa ng perang mga barangay officials upang tuluyang malinis ang ating gobyerno.