Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Iisang landas nina Kabayan, Pacman

0 76

Sa larangan ng politika, puwedeng sabihin na pareho ang landas na pinagmulan ni dating Vice President Noli De Castro at Pambansang Kamao at Senador Manny Pacquaio?

Bakit?

Aba’y paano naman kasi, pareho silang naging sikat sa industriyang pinasukan, sa sinasadya o hindi man sinasadyang pagkakataon, si Kabayan bilang sikat na brodkaster mula sa isang pangkaraniwang pamilya sa Pola, Oriental Mindoro samantalang si Pacman, alam naman nating bukod sa talagang mahirap ang kalagayan na pinagmulan ay hindi pa buo ang pamilya.

So ‘yun nga, pareho silang nagkapangalan bilang brodkaster at boksingero hanggang sa tuluyang sumikat at maisipang pasukin ang larangan ng politika.

Si Kabayan ay tila sibat na hindi maawat sa kanyang pagsabak bilang senador dahil tila nilaro lang niya ang pangangampanya samantalang si Pacman ay natalo sa unang pagkakataon sa pagsalang bilang kongresman pero nang umulit ay handusay din naman ang mga nakalaban.

Pagdating sa pagkabise-Presidente, handusay din kay Kabayan ang kapwa niya brodkaster sa pinanggalingan na ABS-CBN na si Loren Legarda kung kaya’t marami na agad ang nagsabing kaya niyang masungkit kahit na ang pagiging Presidente ng bansa.

Hindi talaga lumaylay ang pangalan ni Kabayan sa mga surbey hanggang sa larangan Presidential elections, kung saan sa kabila ng kanyang pagiging sikat at mainit sa mga botante ay nagpasya siyang huwag nang akyatin pa.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Kung ano ang dahilan ni Kabayan, siya na lamang ang nakakaalam pero siguro ay maraming sasang-ayon sa akin kapag sinabi kong nag-isip siya kung paano niya patatakbuhin ang buong Pilipinas, at ang hindi pagtakbo bilang Presidente ay indikasyon ng kasagutan.

Sa panig naman ni Pacman, tama rin na walang makakapagsabi o walang puwedeng sumukat sa kakayahan ng isang taong mamuno sa bansa, malinaw din kasi ang mga katagang “able to read and write” bilang pangunahing kuwalipikasyon sa pagtakbo bilang Presidente.

Pero bukod sa mga tagahanga sa larangan ng boksing, makakahamig si Pacman ng mga mag-iidolo sa kanya buhat sa iba pang sektor kung seryoso niyang babalansehin ang situwasyon ng bansa ngayon sa usapin ng pangangailangan ng magaling na magtitimon para makabalik sa diretsong direksiyon.

Pagod na kasi ang mga Pinoy sa anim na taon nang malazigzag na nga ay puro palusong pa uri ng pamumuno na kanilang naranasan.

At sa mga ganitong situwasyon, puwedeng tingnan ni Pacman ang ginawa ni Kabayan.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.