Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ika-50 abogadong pinatay: Chief fiscal inambus

0 508

Patay ang Manila Chief Inquest Prosecutor matapos tambangan ng hindi nakikilalang gunman sakay ng isang kulay itim na Sports Utility Vehicle kahapon sa panulukan ng Quirino Highway at Anakbayan,Paco, Maynila.

Ayon sa inisyal na report ng Manila Police District-Police Station 5, wasak umano ang mukha dahil sa tama ng bala ng biktimang si Jovencio Senados y Bagares, 62 at taga Blk 53 Lot 19 Villa Palao, Calamba, Laguna.

Naganap umano ang insidente alas 11:05 ng umaga sa nabanggit na lugar nang dikitan ng mga suspek ang sasakyan ng biktima.

Sa nakalap na ulat, sakay umano ang mga suspek ng kulay itim na SUV na may Plate number na ABG # 8133.

Huli umanong nakita ang suspek sa westbound ng Quirino papunta sa Roxas Boulevard nang tumakas.

Samantala, kinondena ni Justice Secretary Menardo Guevarra ,ang pag-ambush kay Senados.

Inatasan rin ni Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na agad magsagawa ng imbestigasyon sa pagpatay kay Senados.

“We are shocked by the audacity of this attack. It highlights once again the grave peril that our prosecutors face each day in the discharge of their duties. i have ordered the NBI to immediately step in and investigate this horrible murder,”ayon kay Guevarra.

Nalaman na isa sa kontrobersiyal na kaso na huling ini-inquest kay Senados noong Oktubre 2019 ay may kaugnayan sa pamamaslang kay Batuan Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III sa Vito Cruz, Sampaloc,Maynila.

Nabatid na iniutos umano ni Senados ang pagpapalaya sa apat na suspek na sina

Bradford Solis, Juanito de Luna, Junel Gomez at Rigor de la Cruz kung saan

“referred for further investigation” ang naging resolusyon ni Senados.

Matapos mapatay si Senados, naglabas ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) ng listahan ng mga abogado, judge at prosecutor na pinatay mula 2016 hanggang ngayong taon.

Sa listahan ng NUPL, lumabas na pang-50 nang biktima si Senados.

Bago nito, limang abogado na rin ang itumba sa loob lang ng taong 2020. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.