Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ikalawang COVID lab sa Maynila malapit nang buksan

0 139

Sa awa ng Panginoon, ang inyong lingkod sampu ng mga tagapamahalaang-lokal ng Maynila, ay umaasa na bago matapos ang buwan ay atin nang magagamit ang ikalawang real time-polymerase chain reaction (RT-PCR) molecular laboratory upang mas marami nang residente ang maaring ma-test nang libre sa COVID-19, na aabot ng isang libo kada araw.

Habang isinusulat ito ay iba’t-ibang equipment na kailangan upang makumpleto na ang ating ikalawang laboratory ang dumating kaya’t handa na ang lungsod sa inspeksyon ng Department of Health na kailangan bago tayo tuluyang payagan na i-operate ang nasabing laboratory. Ang mga equipment na ito ay kinabibilangan ng tatlong bio-safety cabinet class ll, dalawang PCR hoods, dalawang Biomedical Refrigerators for reagents, dalawang freezers at walong computer sets.

Muli, ang ating pasasalamat sa DOH, sa Department of Budget Management at siyempre pa, kay Pangulong Rodrigo Roa-Duterte para sa panibagong assistance para sa Maynila. Tititiyak ko po na hindi ninyo pagsisisihan ang pagtulong ninyo sa pamahalaang-lokal dahil gagamitin namin ang inyong mga kontribusyon para sa todong kapakanan ng mga taga-lungsod.

Sa oras na matapos na ang ating second laboratory, ang bilang ng mga residente na maaring ma-swab o ma-test gamit ang gold standard level ay tataaas na ng di bababa sa limang beses sa araw-araw, sa pamamagitan ng real time-polymerase chain reaction (RT-PCR) machine na siya ring gamit ng national government para sa confirmatory testing ukol sa COVID cases.

Ang una nating COVID laboratory ay itinayo sa second floor ng Sta. Ana Hospital kung saan naroon ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) sa ilalim ng pangangasiwa ni hospital director Dr. Grace Padilla. Ito ay may output na 200 hanggang 250 tests kada araw gamit din ang RT-PCR machine.

Ang second laboratory naman ay matatagpuan sa ground floor at inaasahang mag-produce ng output na 90 tests kada oras o humigit-kumulang sa 1,000 tests bawat araw.

Ang pagkakaiba ng dalawa ay mas masusi ang proseso ng second laboratory, bagamat pareho lamang ang ‘turnaround time’ ng dalawa, o ‘yung kabuuang panahon na gugugulin para sa buong proseso at para malaman ang resulta.

Sa first laboratory, ang proseso ay kukuha ng specimen, ilalagay ito sa cartridge at ipapasok ang cartridge sa makina para basahin. Sa second laboratory, ang pagkuha ng virus ay susundan ng ‘amplification’ ng virus at iba pang proseso bago tuluyang basahin ng PCR machine.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nitong September 6, sinamahan ako nina Vice Mayor Honey Lacuna at Secretary to the Mayor Bernie Ang sa pagtanggap ng donasyong dalawang units ng ‘Sansure Extraction Machine,’ isang ‘fully-automated nucleic acid extraction system’ na magbibigay ng kapasidad upang ang pamahalaang-lungsod ay makapagsagawa ng confirmatory tests sa mas maraming bilang ng residente kada araw.

Sa puntong ito ay nais kong pasalamatan ang Ayala Foundation at group of companies nito, para sa pagbo-boluntaryong sagutin ang lahat ng gastusin sa pagtatayo ng bagong laboratory, na aabutin sa may P7.7 million.

Mahal ang nasabing laboratory dahil bukod sa iba’t-ibang uri ng equipment na kailangang ilagay, maging ang ‘ventilation or negative pressure’ ay kinakailangang i-regulate para matiyak na ang mga medical frontliners na magpapatakbo nito ay protektado sa impeksyon sa lahat ng oras.

Kami sa pamahalaang-lokal, sa tulong ng national government at maging ng mga private individuals at companies, ay ginagawa ang lahat ng posibleng pwedeng gawin upang matugunan ang mga problemang dala ng pandemya. Patuloy kaming naghahanap ng mga paraan upang pigilan ang pagkalat ng sakit at amin ding pinaiigting ang mga aksyon upang masuri at magamot ang mas marami sa abot ng aming kakayanan.

Hindi naman siguro kalabisang hingin sa lahat na sunding maige ang mga prescribed health protocols at mga babala. Ang tanging nais namin ay protektahan kayo at kayo naman, ay protektahan ang iba kasama na ang inyong mga mahal sa buhay, sa pamamagitan ng pananatiling ligtas. Magsuot ng face mask, karagdagang face shield kung maaari at obserbahan ang tamang distansiya bukod sa palagiang paghuhugas o pagsa-sanitize ng mga kamay.

Higit sa lahat, huwag pakalat-kalat at lumabas lamang kung kinakailangan. Kung kasama ka sa edad na peligroso, hindi ka na dapat pang sabihan na iwasan ang paglabas-labas.

Itanim natin sa ating isipan na ang coronavirus ay hindi naglalakad para maghanap ng mahahawaan. Ito ay kumakapit sa isang tao at ang tao ang siyang umiikot at nakakapanghawa.

Sa oras na walang makapitan ang virus, malaki ang posibilidad na ito ay mawala na. Kaya pakiusap, makiisa tayong lahat. Tulungan ninyo kami na matulungan kayo. ***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.