Abante Tonite Interactive

Ikulong ang mga smuggler ng agricultural product!

By
85

Kapakanan ng mga magsasaka at mami­mili ang nasa isip natin nang magpanukala tayo noon ng batas laban sa smuggling ng mga produktong agrikultura mula sa ibang bansa.

Nang maging ganap na batas ito na may titulong “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016” o Republic Act 10845 noong 2016, umasa tayo na bilang na ang araw ng mga smuggler ng agricultural products.

Pero sa pagdaan ng mga taon, binubulaga pa rin tayo ng mga balitang may nasakote, nasabat, nadiskubre, o natuklasang mga container ng bawang, sibuyas, bigas, gulay at karne na smuggled.

Kunsabagay, maganda nga na nahuhuli ang mga ito. Pero ang mga smuggler, nahuhuli at nakukulong naman kaya?

Bakit talamak pa rin ang smuggling samantalang nilagyan naman natin ng mas matalas na ngipin ang Anti-Agricultural Smuggling Law kung saan itinutu­ring na economic sabotage ang smuggling ng mga produktong agrikultura na ang maximum na parusa ay life imprisonment?

Simple lang ang sagot: Dahil walang nakukulong na smuggler ng agricultural pro­ducts!

Bilang isa sa principal authors ng batas, lubhang nakakalungkot na hanggang ngayon ay wala pang agricultural products smuggler ang humihimas ng malamig na rehas. Well, baka mayroon naman pero hindi lang natin siguro nababalitaan, ewan natin.

Ang mga smuggled products ay iligal na ipinupuslit sa ating bansa nang walang buwis na binabayaran sa gobyerno. At dahil obvious naman na may mga kasabwat, marami sa mga ito ay sa mga puwerto pa mismo ­dumadaan.

Kung walang buwis na binabayaran, na­tural lamang na naibebenta ang mga produkto sa palengke sa mas murang presyo kaysa sa mga ani ng mga Pilipinong magsasaka.

Hindi naman puwedeng ibaba ng magsasaka ang presyo ng kanilang mga ani dahil mataas ang gastos mula sa pagbili ng binhi, pestisidyo, patubig, hanggang sa iba pang gastos bago maani ang mga pananim. Nag-uupa rin sila ng sasakayan upang madala sa palengke ang mga ani.

Kapag minamalas, sisirain pa ng bagyo at baha ang bukirin o ­sisirain ng peste kaya lugi na talaga.

Kaya muli tayong nananawagan na huwag lamang tayong magkumpiska ng mga kontrabandong produktong agrikultura kundi ikulong natin ang mga nagpapa­kana nito.

Itong mga smuggler na ito ay hindi natatakot dahil wala naman silang nakikitang nakukulong.

Hindi lang ang smuggled goods ang kailangang kumpiskahin kundi isabay o isunod dito ang panghuhuli at pagpapakulong sa mga smuggler.

Ano na nga pala ang resulta ng imbestigasyon ng BOC hinggil sa mga container na iligal na inilabas sa Mindanao International Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental?

Nailabas umano ang mga container na walang binayaran kahit isang singkong duling!

May mga nahuli naman pero naidemanda ba ang mga ito at nakakulong? Nagtatanong lang po.