Abante Tonite Interactive

Ilagan wow sa tres, Valencia-Baste wagi

186

Lima sa anim na pukol sa tres a second half ang isinalpak ni RK Ilagan para kargahin ang Valencia City-San Sebastian Golden Harvest sa ikatlong sunod na panalo kontra SMDC-National University Bulldogs 82-73 sa PBA D-League Lunes ng hapon sa Paco Arena sa Maynila.

Tumapos si Ilagan ng 30 puntos, may sahog pang apat na assists at tatlong rebounds. Nakatuwang niya sa opensa si Allyn Bulanadi na may 14 na points.

“’Yung laban namin against (Cha Dao-FEU) five points lang si RK, sabi niya sa akin ‘babawi ako coach’, ayan bumawi nga,” wika ni Golden Harvest coach Edgar Macaraya. “Ano pa bang mahihingi mo? Wala ka nang mahihingi, pagod na pagod pero andun pa rin eh. So, good thing nanalo.”

Pabibo na sa unang canto pa lang ang Valencia, umariba sa tuktok hanggang iposte ang 36-22 bentahe pagpasok ng halftime.

Hindi naman bumitaw ang Bulldogs ang masigasig naghabol hanggang maibaba nila sa 10, 58-48, sa huling­ 31.2 segundo ng third pero lumobo ulit sa 13 na tambak dahil sa buzzer beater three ni Ilagan.

Mula fourth ay uma­lagwa nang husto ang Valencia City sa likod ni Ilagan na nagpaka­wala nang malulupit na behind the arc shots at short jumper na nagpahirap sa Bulldogs na bumalik pa at sungkitin ang panalo.

“Preparation ito for the NCAA. Sana maging ganito na rin ‘yung laro namin sa NCAA because right now everybody wants to win. I guess the character, the jelling and teamwork nandoon na eh, but sad to say dito pa lang sa D-League sana sa NCAA rin” wakas ni Macaraya.