Abante Tonite Interactive

Illegal recruiter, sa presinto nakorner

By
0 127

Inaresto sa loob mismo ng presinto ang isang diumano’y illegal recruiter habang ito ay kumukuha ng police clearance sa Valenzuela City kamakalawa.

Sa ulat ni SPO3 Louie Martinez kay P/Sr. Supt. David Nicolas Poklay, kinilala ang suspek na si Katherine Laroga, 23, taga-Block 10, Lot 6, Malinis St., Lawang Bato, Valenzuela.

Kuwento ni SPO3 Martinez, alas-10:00 nang umaga, kumuha ng police clearance ang suspek sa Valenzuela Police Station sa Karuhatan, Valenzuela.

Pagsapit sa verification section, lumabas sa rekord na may pending warrant of arrest si Laroga sa kasong illegal recruitment by a syndicated under Criminal Case No. R-MNL-18-00033, na may petsang Enero 22, 2018 at inisyu ni Hon. Tita Bughao Alisuag, Presiding Judge ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 1.

Bunga nito’y inaresto si Laroga.

Sa panayam sa suspek, hindi nito akalain na may pending case pa siya dahil nakulong ito ng 10 buwan sa nasabing kaso at kalalaya lang nito.

“Kukuha po ako ng police clearance para magtrabaho, kaya hindi ko alam ma may kaso pa ako at kung alam ko na may kaso pa ako eh ‘di na sana ako lumutang sa presinto,” ani Laroga.