Abante Tonite Interactive

Illegal recruiters patuloy ang pamamayagpag

By
475

Patuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng mga kababayan na­ting nabibiktima ng mga naglipanang illegal recruiter sa loob at labas ng bansa.

Malinaw itong indikasyon na malaki pa rin ang problema ng ating gobyerno sa pagbibi­gay ng trabaho sa mga kababayan nating walang kayod. Kaya sana naman ay maghinay-hinay ang pamahalaan sa pagpapauwi sa mga kababayan natin sa abroad.

Alam nating higit sa lahat ay kaligtasan ng ating mga kababayan ang prayoridad ng gobyerno pero dapat paglabas pa lamang ng Pilipinas ng mga overseas Filipino worker (OFW) ay ma­tinding pagbusisi na ang pinagdaraanan ng mga recruitment agency na nagpapadala sa kanila.

Abante Hiring – IT dep

Ang hirap kasi dito sa atin sa Pilipinas, kapag isinumbong mo ang isang manlolokong recruitment agency ay magpapalit lamang sila ng pangalan ng ahensiya at mga tauhan.

Pero kuwidaw ka dahil ipagpapatuloy ng nabuking na ahensiya ang kanilang panggagantso sa mga kababayan na­ting kapit sa patalim kaya agad-agad na kumakagat sa mga alok na trabaho.

Sa kasalukuyang sitwasyon ay hindi na epek­tibo ang pag-check lamang ng accreditation sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga recruitment agency dahil may mga agency na nagagamit talaga sa panloloko ang mga lehitimong agency na kanilang nakukuha sa social media, hindi nga lamang natin alam kong may kakutsaba ang mga illegal recruiter sa mga lehitimong ahensiya.

Ang ganitong kalakaran ang nakikita na­ting problema kaya hirap mawalis ang mga illegal recruiter.

Katulad na lamang ng recruitment agency na Emry’s Employment Agency na pagmamay-ari ng isang Pinoy na si Ester Ylagan na nakakaladkad ngayon dahil sa umano’y pagbibigay ng pekeng trabaho sa daan-daang mga domestic helper.

Pumalo raw sa HK$7.9 milyon o katumbas na P52.3 milyon ang nakolekta ng ahensiya sa mga biniktimang DH na naghahangad na magtrabaho sa Canada at United Kingdom.

In fairness, nakasampa na ang kaso ng may 700 domestic helper sa District Court ng Hong Kong at inaasahang uusad na ang pagdinig ng kaso ngayong Mayo.

Hangad nating makamit ng mga kababayan nating naloko ang hustisya sa ibayong dagat upang sa gayon ay matigil na ang kalokohan ng mga illegal recruiter na walang ginawa kundi mambiktima ng mga kababa­yang naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa upang makatulong sa kanilang mga pamilya.