Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Iloilo City bike capital ng ‘Pinas

0 48

Kasama ako ng mga opisyal at kinatawan ng LGU Tanza, Cavite sa Iloilo City nitong huling linggo ng Hulyo para sa Local Climate Change Action Plan (LCCAP) kung saa tinalakay ang mga solusyon na dapat gawin at ipatupad para maagapan ang lumalalang problema sa kalikasan.

Nataon pang ipinagdiriwang ng tinaguriang ‘City of Smiles’ ang kanilang Bike Festival noong linggong ‘yon kung saan nakamit nila ang tinatarget ng lungsod na maideklarang ‘Bike Capital of the Philippines’.

Saan mang sulok ng lungsod ka magpunta, puro bisikleta ang iyong makikita. Maging sa loob ng mga pamosong mall sa Iloilo City, iba’t ibang klase at anyo ng bisikleta ang ibinibida. Agaw-pansin ang mga bamboo bike na sinasabing eco-friendly. May mga cargo bike din na ginagamit noon pang sinaunang panahon na tila kay karitong hila-hila ang bisikleta.

Higit isang dekada na rin nang huli kong mabisita ang Iloilo City. Marami nang pinagbago – mga nagtataasang gusali at establisyimentong nakatayo, sari-saring kainan at restaurants, mga pasyalan. At siyempre, ang naglalaparan nilang mga kalsada.

May 11-kilometer bike lane ang lungsod mula Diversion Road hanggang sa mga piling kalye ng siyudad kung saan 4-kilometer sa kahabaang ito ay ‘protected lane’ kaya walang dapat ipag-alala ang mga siklista dahil tiyak ang kanilang kaligtasan. Target ngayon ng lokal na pamahalaan na i-interconnect ang mga bike lane para mas maalwan sa mga biker.

Noong 2018, pinarangalan ang lungsod bilang ‘Most Bike-Friendly City’ sa PhilBike Awards ng PhilBike Expo. Minsan na ring kinilala ni Dutch Ambassador H.E. Saskia Elisabeth De Langsaw ang potensiyal ng lungsod nang bumisita siya rito noon. Ayon sa kanya, hindi malayong maging ‘Biking Haven of the Philippines’ ang Iloilo City.

Ang sa akin lang, dapat bigyang pansin ng gobyerno ang kahalagahan ng pagbibisikleta, hindi lang para sa kalusugan kundi maging sa kalikasan.

Nitong kasagsagan ng pandemya kung kailan mahigpit ang ipinatupad na pandemic protocols sa mass transportation, naging patok ang pagbibisikleta. Marami ang gumamit ng bike papasok sa kani-kanilang trabaho. Ang problema, walang maayos na bike lane sa mga pangunahing lansangan. Kaya ang resulta, ilang road crashes ang kinasangkutan ng mga biker.

Pati ako, naengganyo ring bumili ng bisikleta. Ginagamit ko ito para magpapawis at makapag-ehersisyo. Importante ang gaya nitong exercise para sa puso at baga. Nababawasan din ang konsumo ko ng petrolyo lalo na ngayong sumisirit pataas ang presyo nito sa merkado. Nakatipid na, nakatulong pa ako sa kalikasan.

Hangad kong gayahin ng iba pang LGU ang Iloilo City sa mga programa nitong may kaugnayan sa pag-engganyo sa mga residente na magbisikleta. Kaakibat nito ang pagbibigay halaga sa karapatan ng mga siklista sa mga kalsada.

Leave A Reply

Your email address will not be published.