Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ilusyunadang personalidad ayaw patulan

0 149

Opinyon ng mas nakararami ay gigil na gigil na raw siguro ang isang dating male personality na nagbago na ng anyo sa pangdededma sa kanya ng mga taong kinakalaban niya sa social media.

Para kasi siyang nagsasalita sa isang mundo ng mga bingi. Parang hindi siya naririnig ng mga taong binibira niya sa kanyang YouTube vlog, walang kapana-panahon sa kanya ang mga personalidad na pinasasaringan niya, kaya ganu’n na lang ang kanyang pagkainis.

Kuwento ng aming source, “Binira-bira at pinintasan niya ang isang sikat na gay personality, pero hindi naman siya sinagot. Tinawag lang siyang ilusyunada ng sikat na TV host.

“Kinampihan ng isang female personality ang gay TV host, inaway rin niya ‘yun, samantalang hindi na iba sa kanya ang female personality, ha?

“Binira niya ang isang sikat na komedyana, tinawag niya ‘yun sa iba-ibang negang pangalan, pero hindi rin siya pinansin. Ang mga fans lang nu’ng komedyana ang umupak sa kanya!

“At ang pinakamatindi, e, kinaladkad niya ang name ng isang guwapong male personality na kinakikiligan ng mga kababaihan, kung anu-anong kuwento ang inilabas niya tungkol sa kanilang dalawa nu’ng guwapong personality, pero nagsayang ba ng laway ‘yung tao para sagutin siya?

“Waley! Para lang siyang sigaw nang sigaw na wala namang nakakarinig sa kanya! ‘Yun ang ikinaiinis ng dating male personality na naglantad na ng bago niyang anyo, kaya gigil na gigil na siya!” natatawang unang sultada ng aming source.

Hanggang ngayon ay kung anu-anong kailusyunan pa rin ang inilalabas ng ilusyunadang personalidad. Pero ang basa ng publiko ay kalungkutan ang dahilan ng lahat kung bakit siya nagkakaganyan.

Dagdag pa ng aming source, “Itakwil ka ba naman ng pamilya mo dahil sa mga kahihiyang pinaggagagawa mo, e, talagang nakakalungkot ‘yun? Dadalawin talaga siya ng depression kapag ganu’n!

SM food to go Banner Ad

“Umayos kasi siya, huwag na siyang nambubulabog ng mga taong nananahimik na hindi naman siya inaano, baka sakali pang matanggap siya ng family niya!” super-diing pagtatapos ng aming impormante.

Korina tinanggihan ang show kay Ted

Bukod sa kanyang dating programa sa ABS-CBN na bitbit ni Korina Sanchez sa kanyang paglipat sa TV5 ay meron pa sanang ibang shows na iniaalok sa kanya.

Isang primetime news program pa sana ang gagawin niya kasama ang kumpirmado na ring nasa TV5 na si Ted Failon pero tinanggihan na ni Korina.

Okey na sa kanya ang Rated Korina, ‘yun na lang ang kanyang pagkakaabalahan, ayaw na niyang tumanggap pa ng trabahong pang-araw-araw.

Kuwento ng aming source, na malapit sa magaling na news anchor, “Ayaw na niyang magpa-make-up araw-araw. Imagine nga naman, kapag daily ang show, e, araw-araw rin siyang magpapa-make-up at talagang paghahandaan niya ang programa, di ba?
“Siguro, sa ilang dekada na rin niyang pagpapa-make-up daily, e, nagsawa na rin siya! Alangan namang humarap siya sa mga camera nang walang kaayus-ayos?

“Siguradong maba-bash siya! Kung ‘yung naghahanda na nga ang mga personalities sa show nila, e, may nasasabi pa rin ang mga bashers, ang hindi pa kaya pag-aayos ang palalampasin nila?” natatawang pahayag ng aming source.

Pryoridad ni Korina ngayon ang kanilang mga anak ni Kuyang Mar Roxas na sina Pepe at Pilar. Mga kamay niya talaga ang nagpapala sa kambal.

“Sobrang hands-on mom si Koring. Hanggang maaari, e, siya talaga ang nag-aalaga sa kambal, kaya ayaw na niyang tumanggap ng daily show. Tama na ang isang programa para sa kanya.

“Ang kambal ang mundo ngayon ni Korina, kung malapit siya sa mga pamangkin niya, e, di lalo na sa mga anak niya?” pagtatapos ng aming source.

Leave A Reply

Your email address will not be published.