Abante Tonite Interactive

Imbakan ng droga nabungkal sa Cavite

866

Tinatayang mahigit sa P300K halaga ng marijuana ang narekober sa hinihinalang ‘imbakan’ ng droga sa isang inuupahang apartment sa Tanza, Cavite.

Kinilala ni Police Lt. Col. Freddie Dantes, hepe ng Tanza Municipal Police Station (MPS) ang nangungupahan sa nasabing unit na si Illane Reyes, 49, negos­yante, ng Brgy. Halang, Naic, Cavite.

Sa ulat ni PSSg. Israel Villela ng Tanza MPS, humingi ng tulong sa pulisya ang caretaker ng 6 na unit na apartment sa Unit 1 Bocolan Apartment, F & E De Castro Subd., Brgy. Mulawin, hinggil sa pagpupumilit umano ng dalawang katao na buksan ang unit na inookupahan ni Reyes alas-tres kamakalawa ng hapon.

Nagpakilala umano ang 2 katao na kamag-anak ni Reyes at may importanteng kukunin dahilan upang rumesponde ang pulisya at barangay at binuksan ang nasabing unit. Dito na bumulaga ang ilang bundle ng hinihinalang marijuana na tumitimbang ng 25 kilo at may street value na P300,000 at 6 na sachet ng shabu.

Ayon sa caretaker, nagpakilala lamang sa kanya ang umuupa ng apartment na isang Illanie Reyes, isang negosyante, pero madalang umano silang magkita dahil kadalasan ay gabi kung umuwi.

Ayon kay Dantes, nalaman na si Reyes ay nakakulong na sa Quezon City Jail matapos maaresto sa isang buy-bust operation nitong Nobyembre 14. (Gene ­Adsuara)