Abante Tonite Interactive

Imbestigasyon vs Calida gumulong na sa Ombudsman

By
0 1,499

Nagsimula na ang imbestigasyon ng Ombudsman sa reklamo laban kay Solicitor Gene­ral Jose Calida Jr. na dulot ng multi-million peso contracts ng security firm na pag-aari ng pa­milya nito sa ilang ahensiya ng pamahaaan.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, nakatuon ang isinasagawang fact-finding investigation ng kanyang tanggapan kaugnay sa patuloy na pag­hawak ni Calida sa majority shares ng kanyang pamilya sa Vigilant Investigative and Security Agency, Inc. (VISAI), kahit na siya’y itinalaga na bilang solicitor ge­neral noong Hulyo 2016.

Bagama’t iniiwasan ni Morales na unahan ang kaganapan ng imbestigasyon, isiniwalat naman nito na ang anggulo ng conflict of inte­rest ni Calida ang siyang sinisipat ng mga im­bestigador.

“It’s under fact-finding investigation. They (field investigators) are still gathering documents. Conflict of interest is one of the aspects the investigators are looking into,” ayon kay Morales.

Ang imbestigasyon ng Ombudsman ay kaalinsunod sa rekla­mong isinampa ng isang Joce­lyn Marie Acosta-­Nisperos.

Sa reklamo, nakasaad na nagmamay-ari umano si Calida ng 60% ng capital stocks ng VISAI, base na rin sa General Information Sheet na nakasumite sa Securities and Exchange Commission noong Set­yembre 29, 2016.

May kontrata umano ang VISAI sa pamahalaan partikular sa National Economic Development Authority, National Anti-Poverty Commission (NAPC), Philippine Amusement and Gaming Corporation, at sa Natio­nal Parks Development Corporation.