Abante Tonite Interactive

Imee ‘bow’ sa tabloid na gumagamit ng wikang Filipino

289

Nagpasalamat din Senadora Imee Marcos sa lahat ng tabloid na patuloy na nagpapalaganap ng Wikang Pambansa at patuloy sa paglilimbag ng babasahing nasusulat sa Filipino.

“Bow tayo sa mga tabloid! Isa sila sa mga tunay na nagpapalaganap ng Wikang Pambansa. Kahit sabihin pang pa­tuloy ang paglakas ng online at social media ay naririyan pa rin sila at makikita mo sa mga newsstand,” paliwanag ni Marcos.

Nanawagan din ang mambabatas sa lahat ng broadsheet newspaper na maglaan isang pahina na maaring ilagay ang mga artikulo gamit ang wikang Filipino.

“Isang beses lang naman ito ngayong buwan ng Agosto at isang pahina lang din para sa mga artikulong susulatin sa wikang Filipino,” pahayag ni Marcos.

“Sana mapagbigyan ang pakiusap natin lalo na ngayong ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika,” pakiusap pa nito.

Ayon kay Marcos, importanteng maiparating sa mamamayan ang kahalagahan ng wikang Filipino dahil ito ang nagbibigkis sa mamamayan lalo na sa panahong maraming pagsubok na pinagdadaanan ng kasalukuyang pamahalaan.

“Napakalakas na armas ang wikang pambansa lalo na ngayong nahaharap ang Pilipinas sa iba’t ibang mga pagsu­bok maging sa mga dayuhang bansa,” anang senadora. (Dindo Matining)