Abante Tonite Interactive

Imee isinuka ni Vice Ganda

1,632

Mariing itinanggi ni ‘It’s Showtime’ host Vice Ganda na sinusuportahan niya ang kandidatura ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa pagka-senador sa 2019 Midterm elections.

Ginawa ni Vice Ganda ang deklaras­yon matapos umusok ang espekulasyon na ineendoso nito ang kandidatura ng anak ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. nang magkasabay sila sa Ozamiz City airport noong weekend.

“Ok para sa mga fans ko na nagtatanong. Wala akong pakelam kung anong iteniraryo ni Imee Marcos sa Ozamis nung nakasabay ko sya sa eroplano. Nagpunta ako dun para mang aliw ng mga taga Ozamis City. Di para mag­endorso ng kahit sinong pulitiko. Di ako endorser ng mga Marcos!” diin ng komedyante sa ipinost nito sa Twitter noong Oktubre 22.

Si Vice Ganda ay kilalang kaibigan ng aktres na si Kris Aquino, anak ni da­ting Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. na pinaslang noong rehimeng Marcos.

Nakitang magkasama sina Vice Ganda at Imee Marcos sa in-upload na mga picture ni Sancho Fernando ‘Ando’ Oaminal sa kanyang Facebook account. Makikita sa larawan ang komedyante at ang gobernadora na sinalubong ni Misamis Occidental Rep. Henry S. Oaminal sa airport.

Nakasuot ng itim na hood at cap si Vice Ganda, kaya’t marami ang pumuna kung bakit balot na balot ang komedyant­e habang kasama si Imee.

“Balot na balot siya just in case may kailangan siyang pagtakpan,” ayon sa isang haikazumadesu.

“Hiyang-hiya na masabi na kasama ni Imee,” sundot naman ng isang user.

May buwelta naman ang komed­yante at TV host.

“At tawang tawa ko sa bakit daw ako balot na balot??? Hahahaha!!! Seriously first time nyo bang nakakita ng naka-hoody at nakashades??? Di puwede??? May dress code ba sa Ozamis City???” pahabol na tweet ni Vice.