Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Impis na tiyan

0 53

Kapag umuulan, bumubuhos daw ng grasya. Pero taliwas ito sa totoong pangyayari nang ireport ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes na sumipa sa 6.4 percent ang inflation noong Hulyo, mula sa 6.1 noong Hunyo.

“Ang dahilan ng mas mataas na inflation ngayong Hulyo 2022 ay ang mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages,” paliwanag ni National Statistician Dennis Mapa.

“Ang pangalawang commodity group na nagpakita ng mas mataas na inflation ay ang transport…ang pangatlong commodity group ay restaurant and accommodation services,” dugtong pa niya.

Mahal na nga ang bilihin, lumiliit pa ang sukat ng inyong binibili tulad na lamang ng pandesal. May mabili ka mang malaki, kapag hinawakan mo ay umiimpis dahil puros hangin pala ang laman nito. Kaya naman kahit kumain ka na, impis pa rin ang tiyan mo dahil hindi ka pa busog.

Madalas akong bumili ng mga kakanin sa palengke sa amin dito sa southern part ng Metro Manila. Dati natatakam ka sa isang hiwa ng biko, bibingka o casava cake at affordable pa ang presyo noon. Ngayon, nagmahal na nga, lumiit pa ang sukat na halos kasinglaki na lang ng bahay ng posporo. Imbes na maglaway ka, madidismaya ka lang.

May tawag ang PSA sa mga ganitong pangyayari – “shrinkflation” – pinagsamang shrink at inflation.

Related Posts

Tabako

Nakabantay raw ang ahensiya kung may gumagawa nito pero sa ngayon ay wala pang report na may “substantial concern” dito. “‘Yung concept ng shrinkflation makikita natin sa restaurants, cafeterias so dito natin tinitignan,” wika ni Mapa.

Mukhang hindi ako sang-ayon sa sinabi ni Mapa na wala pang substantial concern dito. Maghanap lang siya sa social media, marami siyang makikita. Yung iba kasi, hindi na dumudulog sa gobyerno dahil alam nilang wala rin namang mangyayari sa kanilang reklamo o hinaing.

Nitong nagdaang araw ay iniulat naman ng Social Weather Station (SWS) na halos kalahati ng pamilyang Filipino ang nagsasabing mahirap sila. Mula sa 43 percent o 10.9 milyong pamilya noong Abril, umakyat sa 48 percent o 12.2 milyon noong Hunyo 2022 ang nagsasabing sila ay purdoy.

Isinagawa ang survey noong Hunyo 26-29, 2022 na nilahukan ng 1,500 respondents sa buong bansa. Lumabas din sa survey na 8.8 percent ang bagong mahihirap, katumbas ng 2.2 milyong pamilya.

Hindi nakapagtataka kung bakit maraming umaasa sa ayuda ng gobyerno at mga politiko. Kaya naman marami sa mga mayayaman na kumandidato sa nakaraang halalan ang nanalo dahil pikit matang tinatanggap ang suhol ng mga politiko kahit na fake news ang kuwalipikasyon ng ilang tumakbo sa halalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.