Abante Tonite Interactive

Impormante: Mahirap i-trade si Calvin

1,565

May lumabas na ulat kagabi na hinahanapan na ng Phoenix Pulse ng mapaglilipatang team si Calvin Abueva.

Naging pasaway ang The Beast nitong mga nagdaang buwan.

Tapos patawan ng PBA ng indefinite suspension, naglaro naman sa ligang labas.

Nitong mga huling araw, naging hot item sa social media ang sagutan nila ng asawang si Sam. Inakusahan ng misis si Calvin ng pagiging pabaya, nananakit rin. Siyempre pa, itinanggi itong ng Fuel Masters guard.

Naglabas ng statement noon ang Fuel Masters na nakatutok sila sa development ng insidente, nakabantay kung matutuloy ang domestic violence na sinabing isasampa ni Sam kay Calvin.

“Mahirap yatang i-trade si Calvin,” pahayag ng isang source. “Unang-una may indefinite suspension pa siya, paano siya isisingit sa roster ng ibang teams? Pero walang sinasabi ang management.”

Nag-ugat ang suspension nang bigyan ng clothesline ni Abueva si TNT import Terrence Jones. Bago ‘yun, nakasagutan pa niya ang isang female fan, si Maika Rivera na girlfriend ni Blackwater rookie Bobby Ray Parks Jr.

Walang duda, asset pa rin ang laro ni Abueva sa PBA teams. Ang kuwestiyonable ay kung mauulit pa ang mga insidenteng kinasangkutan niya sa loob at labas ng court.

At kung ano’ng kapalit naman ang ibibigay ng mga magkakainteres sa kanya. (Vladi E­duarte)