Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Importante ang ‘executive check up’

0 148

Araw araw, ilang daan o ilang libong tao ang nagdiriwang ng kanikanilang kaarawan. Ito ang araw na nakukuha kadalasan ang mga hinihiling. Katulad ng mga bagong gamit, damit, sapatos o relo. Mga pinanalanging mga bagay na nahahawakan o hindi, gaya ng pagaayos ng buhay, pamilya at pag-ibig. Sa dinami dami ng posibilidad, nais nating irekomenda na isama ang pisikal na sarili at ang kalusugan sa mga wishes pag nag-birthday. Ito ay maaaring maisatupad sa pamamagitan ng isang executive check-up.

Maraming pamamaraan para magawa ang executive check-up. Pwede itong nakaadmit ng isa o dalawang araw sa ospital para hindi pabalik balik o di kaya, pwede din naman na as out patient. Depende sa dami ng gustong malaman at maipagawa, pati na din ang budget para dito.

Ang pinaka batayan na mga eksaminasyon ay ang mga sumusunod: dugo, ecg, chest x-ray, urinalysis, at fecalysis. Ito ang mga maaaring malaman natin.

Sa dugo, ang mga sumusunod ang mga tinitingnan:

CBC o complete blood count, nakikita kung may impeksiyon, pagputla ng dugo o anemia, at posibilidad ng pagggaling o healing capacity.

Fasting blood sugar at Hba1c, para makita ang lebel ng asukal, ang pinagkaibahan ang una ay ang asukal sa 24 oras, ang pangalawa ay ang average sa tatlong buwan.

Blood urea nitrogen at Creatinine, nakikita kung maayos ang kidneys

Lipid profile, ang kasama dito ay ang Total Cholesterol, Triglycerides, at mga lipoproteins (HDL, LDL, at VLDL). May kinalaman ito sa kinakain natin sa pang araw araw, at tataas lalo na kung medyo mahilig sa matataba.

Blood uric acid, na kasama din sa kinakain natin, lalo na kung mataas sa uric acid ang mga ito.

Serum glutamic oxaloacetic o pyruvate transaminase, ang SGOT at SGPT, na may kinalaman sa health ng atay.

Ang ECG o electrocardiogram ay ang pinakamadaling eksaminasyon malaman ang kundisyon ng puso.

Ang chest x-ray naman ay malalaman ang kundisyon ng baga. Kung ito ay may impeksyon, may tubig, o bukol.

Ang urinalysis naman ay tinitingnan ang ihi, para makita ang kalagayan ng daanan ng ihi, kung ito ba ay may impeksyon o may bato na gumagasgas na maaaring makasugat.

At ang fecalysis na ineeksamin ang dumi para makita kung may parasitiko sa bituka.

Ang lahat ng ito ay pinagagawa hindi dahil may nararamdaman, kung hindi para makita ang kundisyon kahit walang nararamdaman. Maaaring gawin minsanan sa isang taon. Madami pang maaaring idagdag na mas specific o highly specialized na eksaminasyon kaya tumatagal sa ospital at dinadalaw na din ng mga iba’t ibang spesyalista para magbigay ng kanikanilang opinyon.

Hindi natin nakakalimutan ang ating kaarawan, ugaliin natin na iregalo sa ating sarili ang malaman angtunay nating kundisyon para mapahaba pa natin ang ating buhay para sa ating mag mahal sa buhay.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.