Abante Tonite Interactive

Imported galunggong perwisyo sa mangingisdang Pinoy

412

Sumugod ang mga mangingisda sa Department of Agriculture (DA) kahapon para igiit na bawiin nito ang pag-apruba sa pag-angkat ng 45 toneladang galungong.

Iginiit ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pili­pinas (PAMALAKAYA) kay Agriculture Secretary William Dar na kanselahin ang inaprubahan nitong pag-aangkat ng galungong para na rin sa kapakanan ng mga mangingisda at ng mga consumer.

“Nananawagan kami kay Agriculture Secretary William Dar na kanselahin ang kanyang utos para sa kapaka­nan ng mga mangingisda at consumers. Hindi pag-angkat ang magpapababa sa presyo sa mga daungan at merkado dahil middlemen ang mga nagdidikta sa presyo na mas mataas kaysa sa farm gate prices,” sabi ni Pamalakaya nationa­l chair Fernando Hicap.

Dagdag pa niya, parang walang natutunan ang DA sa nangyari noong nakaraang taon kung saan puma­yag itong mag-angkat ng 17,000 toneladang galunggong na siya namang ikinabagsak na presyo nito sa farm gate sa P60 per kilo samantalang nanatili sa P150 hanggang P170 ang kilo nito sa retail.

Sabi ni Hicap, hindi pinababa ng importation ang presyo ng galunggong noong nakaraang taon dahil kontrolado ng mga trader ang mercado.

“Lalong mawawalan ng halaga ang huli ng mga mangingisda sa pagpasok ng pani­bagong mga imported,” dagdag ni Hicap. (Eileen Mencias)