Abante Tonite Interactive

Imported na bigas babaha sa Marso

226

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na magkakaroon ng murang bigas sa merkado simula sa kalagitnaan ng Marso o sa panahon na dumating sa bansa ang mga imported na bigas dulot ng pagsasabatas ng Rice Tariffication Law.

Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na ang presyo ng inangkat na bigas ay maaaring mas mababa sa P32 kada kilo.
Agad aniya ang kanilang aksiyon dahil magiging epektibo na ang batas, na inaasahang sa Marso 3 magsisimula ang importasyon ng ­bigas.

Kaya kailangang bigyan umano sila ng isang linggo o hanggang dalawang linggo, na nasa kalagitnaan ng Marso o hanggang katapusan ng naturang buwan magdadatingan ang mga inangkat na bigas na magpupuno sa merkado, pahayag ni Lopez.

Una nang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na inaprubahan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang nagpataw ng 35-porsi­yentong buwis sa import mula sa mga kapitbahay sa Southeast Asia.

Sa nasabing batas ay pinahihintulutan ang walang limitasyon na pag-aangkat ng bigas hangga’t may phytosa­nitary permit mula sa Bureau of Plant Industry ang mga importer at magbayad ng 35 porsi­yentong taripa.

Ang panukalang ito ay inuulan ngayon ng mga pagbatikos, lalo na sa mga grupo ng magsasaka, kasama ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na nagsasabing “katumbas ito ng kamatayan para sa lokal na industriya ng bigas at mga magsasaka.”

Nagbanta pa si ­Butil Party-list Rep. Cecil Chavez na kukuwestiyunin niya sa Supreme Court (SC) ang Rice Tariffication Law kapag hindi nabigyan ng proteksyon ang mga magsasaka.

Ngunit ayon kay House Speaker ­Gloria Macapagal-Arroyo, pababantayan niya ang implementasyon ng batas upang masigurong maayos itong maipatutupad ng mga ahensiya ng gobyerno.