Abante Tonite Interactive

Imported na bukbok

By , , ,
193

Sa nakaraang pitak natin, nagbigay-pugay tayo sa kababaihang nagbigay sa Pilipinas ng tatlong gintong medalya sa ginaganap na 2018 Asian Games. At pagkatapos ay nasundan pa ito ng isa pang gold medal na galing naman sa isa pa nating atletang Pinay.

Ang tubong-Cebu na si Margielyn Didal ang nagbigay ng ika­apat na medalyang ginto sa Pilipinas sa lara­ngan ng skateboarding. Ang iba pang astig na ‘golden girls’ ng Asian Games ay sina Hidilyn Diaz [weightlifting]; Yuka Saso [golf wo­men’s individual], at muli si Saso kasama sina Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go [para sa golf women’s team].

Sa ipinakitang husay ng mga bebot na ito, tiyak na sa 2020 ­Olympics na gagana­pin sa Japan, ang mga babae ang mas sa­sandalan sa medalya.

Bakit hindi, noong 2016 Olym­pics sa Brazil, tanging si Hidilyn lang ang nakakuha ng medalya (silver) sa weightlifting pa rin.

Dahil sa panalong iyon ni Hidilyn, napawi ang 20 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa medalya mula sa silver medal na nakuha ni Onyok Velasco sa ­boxing noong 1996 sa Atlanta Olympics.

***

Habang inuulan ng papuri ang mga atleta nating babae, inuulan naman ng batikos itong si Agriculture Secretary Manny Piñol. Una ay dahil sa kalunos-lunos na kalagayan ng bigas sa bansa na ubod na ng mahal; na nasundan pa ng mga inangkat na bigas ng National Food Authority (NFA) na ‘binukbok’, at pagkatapos ay may plano pa siyang gawing legal ang rice smuggling daw sa Mindanao.

Ang kurimaw nga natin na mahilig sa extra rice, nagulantang nang makita ang presyo ng bigas sa kanilang lugar na nawala na ang mga nasa P40 per kilo na bigas at napalitan na ng mga bigas na nasa P50 hanggang mahigit­ P60 per kilo ang presyo. Ang tanong niya, ano na ang nangyari sa sinasabi nilang bababa ang presyo ng commercial rice pagdating ng mga inangkat na NFA rice? Aba’y na-hopia lang yata tayo.

Sa ganitong sitwasyon, lalong kawawa ang mahihirap dahil nagtitiyaga silang pumila para ma­kabili ng NFA rice pero limitado lang sa limang kilo ang maaari nilang bilhin. Maliban na lang siguro kung madiskarte sila na maaaring makaulit o magpapila ng ibang kaanak para makabili pa ng dagdag na kilo. Iyon ay kung may extra pa silang pera.

Kung mamalasin naman sila, baka bigas na may bukbok naman ang mabili nila. Sabagay, sabi ni Piñol, oks lang tsibugin ang mga bukbok.

Siya nga raw ay handa niyang lantakan ang mga bukbok. Pero tanong ng ating kurimaw, ganu’n ba kababa ang tingin niya sa mahihirap na oks lang na pakainin ng bigas na may bukbok?

Hindi rin natutuwa ang ilang mambabatas at maging si VP Leni Robredo sa sinabi ni Piñol na gawin na lang legal ang rice smuggling sa Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi (Zambasulta) para makatulong sa kakulangan ng bigas sa lugar.

Sabi ng kalihim, umaasa raw sa mga puslit na bigas [lalo na ang galing sa Malaysia] ang mga tao doon kaya kapag nawala ang mga puslit na bigas ay sumi­sipa ang presyo nito sa merkado. Ang gusto ni Piñol, magtayo ng rice trading center sa Tawi-Tawi na kontrolado ng gobyerno at magbabayad na lang ng kahit magkanong taripa kahit maliit lang ang mga smuggler.

Kung ganu’n din lang naman na hindi kayang sawatahin ang smuggling at hindi kayang punan ng DA at NFA ang supply ng bigas sa bansa, bakit hindi na lang gawing legal ang rice smuggling sa buong bansa nang bumaha na ng bigas sa merkado at maging mura ang bigas.

Kapag ganito mag-isip ang kalihim ng DA, goodbye na tayo sa ‘food security’ at aasa na lang tayo sa mga imported na galunggong, karne, manok, bigas at pati na sa bukbok. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”