Abante Tonite Interactive

Impostor ni Vilma talamak ang kabalbalan

1,861

Ang Star For All Seasons at Lipa Congresswoman Vilma Santos-Recto, poised na poised pa rin sa kanyang pagkasa laban sa isang poser, huh! Ibang klase rin naman ang baltik ng poser na ito, walang respeto at binabastos ang pagiging dakilang aktres at mabunying serbisyo punbliko ni Ate Vi, kung sino ka man, wala kang kahihiyan!

Ang anak niyang panganay, si Luis Manzano sa Twitter account nito ibinalandra ang nasabing poser page kung saan grabehan ang paggamit nito sa larawan ng aktres at politiko sa kanyang profile at pati na rin ang handle name nito na @vilmaSRecto.

At ang poser, iba rin ang kapal. Nakuha pa talagang umapela. May drama itong: “Please dont be duped… I am the star for all season #TaalEruption2020,” bilang pagtatanggol sa kanyang pagiging impostor at pagtugon sa isang fan page ni Manzano, ang @therealluisters na siyang nag-abala para isumbong ang kanyang kabalbalan sa kinauukulan.

Of course, si Luis, hindi mapigilan ang damdamdin para sa tumatampalasan sa kanyang mommy dearest kaya ang kanyang pangmalakasang panawagan: “Please report this fake account spreading fake news and harassing people.”

Siyempre pa, ang Star For All Seasons, may pahayag tungkol sa pangyayari: “This is a fake account” na may kasamang two thumbs down emoji para ipagdiinan na hindi dapat mapaglinlang sa nasabing impostor.

Ang administrador o mismong namumuno sa social media platform kung nasaan ang poser account ni Congressman Vi, may kakayahan kaya silang malaman kung sino ang nasa likod nito? Puwede kayang magka-mekanismo na sila to check, double check or triple check pa kaya kung ang isang nilalang ay nagsasabi na siya nga ang nasabing tao para naman walang malalagay pa sa alanganin?

Ang dami kasing poser at fake accounts na ninakaw ang imahen at pagkakakilanlan ng mga ibang tao, partikular na ang mga bigating artista. Kadalasan pa, ang mga poser na ito, nailalagay sa “hot water” at “kontrobersiya” ang kanilang mga ginagaya dahil sa mga post nilang kadalasan wala sa katwiran, hulog at katawa-tawa. Kumbaga, maling grammar at baybay ang iyong mababasa.

Sana nga, lahat ng mga poser at fake accounts, pati na rin ang mga nagpapakalat sa fake news, tuluyang maglaho at mabura sa mga social media site dahil sila ay gumagawa ng mas maraming pinsala kaysa sa kabutihan at kaayusan.

Tanging inang Ai Ai ‘di mapangatawanan si Jiro

Nasa demokrasya naman tayo at karapatan naman ni Comedy Queen Ai Ai delas Alas na ikuwento ang kanyang ginawang pagkalinga at pagtulong kay Jiro Manio pero ang kanyang malaking pagbubunyag ay nag-iiwan ng isang mapaklang panlasa sa bibig.

Bakit kaniyo? Kasi kung bukal sa loob mo ang pagtulong at sa kasalukuyang sitwasyon ni Manio, ang kanyang paglalahad kung bakit inihinto niya ang pagkalinga sa lalaking maligalig ay parang pagsipa niya sa isang asong may sakit o kaya ay asin na ang pinapahid at katas mula sa kalamansi na pinapatak sa isang sugat na nagnanaknak.

Ang paglalahad na ito ni Delas Alas, tiyak ay kanyang pagtugon sa mga umaatake sa kanya na kinuha mo ang responsibilidad na maging “tanging ina” ni Jiro pero hindi umano mapangatawanan. Sinukuan mo rin. May time frame at limit pala ang kanyang pagtulong.

Sa true lang, sana bago niya inilahad ang kanyang saloobin, kanyang napagtanto na hindi ito ang tamang panahon at pagkakataon para rito kasi nga mas makakadagdag pa ito sa pagkabalisa at sakit na dinadala ni Manio.

Maaaring malaking pera na ang kanyang naibigay para sa “pagbuti” ni Jiro. Talagang super stretched na ang kanyang pang-unawa at pasensya para dito at tao lang naman siya. Yes, may hangganan rin ang pagtulong at pagiging mabuti pero makatwiran ba na ngayon ikuwento ito?

Siguro naman, sa kasalukuyan, ang mga inilaan niyang ayuda para sa “anak,” eh bawing-bawi na sa kanyang aria.

Hindi namin maunawaan kung ano ang pinanggalingan, paghuhugas ba ito ng iyong mga kamay o pag-amin na ‘ginawa ko naman aking makakaya ngunit sa tingin ko ang aking makakaya ay hindi sapat para sa pangangailangan ni Jiro’?

Sa pagiging tapat ni Ai Ai, ang mga nagmamasid at manonood, sumuporta pa kaya sa paparating niyang pelikula?

Pagbabalik ni Darna kasado na

Sa pamamagitan ng Instagram, si direk Jerrold Tarog mismo ang nagbalita na go for gold na ang shooting niya para sa “Darna” kung saan ang bida ay si Jane de Leon.

May cute Darna collectible toy at production crew na captured for posterity sa isang larawan ang ginamit ni direk Jerrold para ipaalam sa lahat na totoong-totoo na ang pagbabalik ng Mars Ravelo super heroine.

Hindi pa rin alam kung sino-sino ang mga kasama sa pelikula at kung sino sa mga iconic kontrabida ang makakasagupa ni Jane sa millennial Darna incarnation.

Si Iza Calzado pa rin kaya ang gaganap na Valentina na naging chika dati? Eh ang Efren, ang love interest ni Narda, nasa pelikula pa kaya at si Tony Labrusca pa rin kaya ang gaganap sa katauhan nito? Nagkasundo na nga kaya ang pamilya Ravelo at si direk Jerrold tungkol sa bagong disenyo para sa kasuotan ni Darna?

Abangers na ang lahat para sa pagbabalik ni Darna, hindi ba naman?