Abante Tonite Interactive

In aid of election

363

Ipinag-utos na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ng aide ni dating Biliran Rep. Glenn Chong. Tiniyak na rin ng police director ng Philippine National Police (PNP) Region 4A na si Chief Supt. Ted Carranza na walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon ng pagpatay sa aide ni Chong na si Richard Santillan at sa kasama nitong si Gessamyn Casing.

Hinimok pa ni Gene­ral Carranza ang pamilya nina Santillan at Casing na lumahok sa isinasagawang imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service 4A (RIAS). “This police unit is an independent investigating body which has the motu propio power to determine if there were violations committed during the incident by our operatives,” diin ng opisyal.

Binanggit pa ng he­neral na isinasailalim na summary dismissal proceedings ang mga pulis na nakapatay kina Santillan at Casing. Ang RIAS din ang kumakalap ng ebidensiya kung sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga nasasangkot na pulis.

Sina Santillan at Ca­sing ay napatay matapos umanong maki­pagbarilan sa mga pulis noong madaling-araw ng Disyembre 10, 2018 sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal lulan ng Toyota Fortuner.

Ngayong tiyak nang mabibigyan ng hustis­ya ang pagkamatay ng dalawa dahil sa direktiba ni Pangulong Duterte at sa pahayag ni General Carranza, hindi naman tumitigil sa pagputak itong si Chong. Napapaghalata tuloy na tila ginagamit niya ang isyu dahil sa tatakbo itong senador sa ilalim ng Katipunan ng Demokratikong Pilipino bilang substitute candidate.

Mas maingay pa nga siya kaysa sa nauli­lang misis ni Santillan. Kayo na ang humusga kung karapat-dapat ba siyang iboto.

***

Nakakatuwa ang pagbaba ng presyo ng ilang gamot dahil sa hindi na ito pinapatawan ng Value Added Tax (VAT) simula noong Enero 1, 2019. Noong nakaraang Miyerkoles, Enero 2, bumili ang inyong lingkod ng gamot para sa hypertension at diabetes sa isang kila­lang drug store.

Inabot sa akin ng pharmacist ang dalawang resibo – isa para sa kinargahan ng VAT at isa para sa mga binili kong gamot na exemp­ted sa nasabing buwis. Hindi man kalakihan ang nabawas, nakatutuwang naka-discount ako ng 12 percent sa mga biniling gamot.

Isa si Senador Sonny Angara sa nangalampag sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para tiyakin na maipatutupad ang VAT-free medicine simula Enero 1, 2019. Maraming magagandang batas na umiiral sa bansa at ang kailangan lamang ay ang maayos na implementasyon. Sumasaludo tayo sa mga taong nagbabantay para masigurong maipatutupad ang batas.