Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘In’ ang bakunado

0 86

Makaraan ang ilang buwan, ngayon na lang uli ako nakalabas nang Cavite.

Pumunta ako sa Quezon City noong Linggo para makipagkita sa mga dating katrabaho. Kahit kinakabahang umalis ng bahay, minarapat ko pa ring bumiyahe. Siniguro ko na lang na may mga dala akong panangga sa Covid-19 transmission.

Nasa ilalim ng GCQ Alert Level 4 ang Metro Manila, kabilang ang Quezon City. Sa biyahe, normal ang pag-usad ng mga sasakyan. Hindi mo iisiping may umiiral pang community quarantine. Traffic pa nga sa ilang pangunahing lansangan sa Kamaynilaan.

First stop ko ang isang café restaurant sa QC. May al fresco dining ang naturang resto kaya minarapat naming doon magpa-reserve. Bukod pa sa pag-fillout ng health declaration form at pagkuha ng body temperature, wala na akong nakita pang health protocols na ipinatutupad. Katunayan, dikit-dikit na ang mga tao sa katabi naming mesa.

Napansin ko ring marami nang customers sa resto. Palagay ko sabik din ang mga tao na makalabas ng bahay. Mahigit isang taon na kasi tayong nakabartolina lalo na ang mga senior citizen.

Pagkatapos kumain ng lunch, naisipan naming mag-dessert. Sa ice cream house na pinuntahan namin, requirement ang vaccination card. Bukod sa umiiral na minimum public health standards, tinatanong ang bawat customer kung ‘fully vaccinated’ na. Kailangang ipakita ang vaccination card bilang pruweba.

Nataong hindi dala ng isa sa mga kasama namin ang kanyang vaccination card. Kaya sa labas na lang kami ng nasabing ice cream house pumuwesto. Puwede naman daw kumain sa mga resto ang hindi bakunado, pero bawal sila sa loob. Sa al fresco dining lang sila pahihintulutan.

Magandang paraan din ito para mahikayat ng gobyerno ang mga Pilipino na magpabakuna. Marami pa rin kasi ang may alinlangan sa Covid-19 vaccines lalo pa’t karamihan sa mga tinatamaan ngayon ng Covid-19, bakunado na.

Kaya para ilan, walang bisa ang vaccines. Pero paulit-ulit na paliwanag ng mga eksperto sa kalusugan, hindi naman talaga nangangahulugang hindi na tatamaan ng virus ang ‘fully vaccinated’. Malaki lang ang maitutulong nito para hind maging moderate to severe ang epekto ng Covid-19 sa katawan.

Hanggang kailan kaya ang ganitong sitwasyon? Malapit na ang election season. Paano na kaya ang sistema ng kampanya? Kailangang matiyak pa ring nasusunod ang health protocols. Kundi, malamang na maging super spreader ito dahil sa dagsa ng mga tao.

Leave A Reply

Your email address will not be published.