Abante Tonite Interactive

In-overtake-an; company driver nanaksak ng estudyante

275

Sugatan ang isang college student nang saksakin ng company driver na umano’y nagalit dahil sa ginawang pag-over take sa kanya sa Valenzuela City kahapon ng madaling-araw.

Ginagamot ngayon sa Valenzuela City Medical Center si Zydrine Martinez, 21, estudyante, taga-Barangay Paso Blas ng lungsod sanhi ng malalim na saksak sa likod at sugat sa mga braso at katawan.

Nadakip naman ng mga barangay official ang suspek na si Ahl Kenneth Francisco, 27, taga-Barangay Gen. T. De Leon.

Sa ulat ng pulisya, ala-1:15 ng madaling-araw, sakay ng kanyang motorsiklo ang suspek at bumabaybay sa Marcelo St., Brgy. Maysan, Valenzuela City nang mag-over take si Martinez na sakay din ng motorsiklo at kaangkas si Emalyn.
Nagalit ang suspek sa ginawang pag-over take ng biktima kaya pinaharurot ang motor nito at hinabol si Martinez.

Nang maabutan ay sinagi ng suspek ang motorsiklo ng magkaangkas kaya sumemplang ang mga ito.

Doo’y bumaba pa sa motor si Francisco at inundayan ng saksak si Martinez sa likurang bahagi ng katawan gamit ang screw driver.

Nakita ng mga tanod ang pangyayari, kaya binitbit sa presinto ang suspek na nangangamoy alak pa. (Orlan Linde)