Abante Tonite Interactive

Ina, 4 anak nalitson sa sunog

251

Patay ang isang ina kasama ang apat na anak at isa pang kamag-anak nang makulong ang mga ito sa naglalagablab nilang bahay sa Caloocan City habang sila ay mahimbing na natutulog Linggo nang madaling-araw.

Dead on-the-spot ang ginang na si Joanne Roxas, 39-anyos, at mga anak nitong sina RJ, 7; Jaypee, 6; Robert, 5; at tatlong buwan gulang na sanggol na si Nino, sanhi ng 3rd degree burn.

Nasawi rin ang kamag-anak nilang si Eduardo Peregrino, pinsan ng ginang, na kasama ng mag-iinang natutulog sa kanilang bahay sa Brgy. 176, Bagong Silang, Caloocan City.

Abante Hiring – IT dep

Tanging ang panganay na anak na si Benedict ang nakaligtas sa sunog pero nagtamo ng pinsala sa katawan matapos tumalon mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas-dos ng madaling-araw nang masunog ang bahay ng mag-iina.

Nabatid na nagsimula ang sunog mula sa kandilang nakasindi na nahulog sa lapag at bumagsak sa mga karton kaya agad na sumiklab ang apoy.

Dahil gawa sa mga light material ang bahay, mabilis na kumalat ang apoy at nagising si Benedict subalit hindi na nito nailigtas ang ina pati na ang kanyang mga kapatid, hanggang sa magpasya na lang ito na tumalon upang maligtas ang sarili.

Kuwento pa ng kamag-anak ng mga biktima na si Hilma Roxas, sinikap din nila na mailigtas ang pamilya, pero hindi sila makapasok sa laki na ng apoy.
Nagbayanihan ang mga residente subalit wala pa rin silang nagawa para mailigtas ang mag-iina.

Nahirapan ang mga bumbero na apulahin kaagad ang sunog dahil malayo sa kalsada ang tahanan ng mag-anak kaya napilitan sila na pagdugtung-dugtungin ang mga hose upang makalapit sa naglalagablab na bahay.

Maliliit din ang eskinita sa Brgy. 176 kaya hirap ang mga fire truck na makapasok sa mga kabahayan.

Samantala, nabatid na nasa trabaho umano ang ama ng mga biktima na si Albert Basas at nag-overtime nang maganap ang sunog sa kanilang bahay.

Aminado si Basas na wala silang kur­yente at ginagamit nilang ilaw sa bahay ay kasera o kandila.

Humihingi rin ito ng tulong para sa pagpapalibing ng kanyang mag-iina. ­(Orlan Linde)