Abante Tonite Interactive

Ina ng female performer inuna ang kayabangan

196

tonite-no-thanks-cristy-ferminNU’NG dumating ang magandang suwerte sa kanyang anak ay parang nahilo sa tagumpay ang ina ng isang kilalang female performer. Mas una pa ngang lumaki ang kanyang ulo kesa sa kanyang anak.

Wala na siyang kilala, maging ang mga kaibigan at kumare niyang kasabay niyang nagdarahop nu’n ay kinalimutan na niya, iba na raw kasi ang kanyang mundo.

Kuwento ng aming source, “Sikat na kasi ang anak niya, kaya ibang-iba na rin ang dating niya. Puro branded na ang mga gamit niya, hindi na ‘yung basta nabibili lang sa bangketa, ang nagagawa nga naman ng datung.

“Nu’ng nag-reunion sila ng mga kaklase niya, e, hindi siya nagpunta. Nagpadala na lang siya ng video greetings, kuntodo make-up siya, with matching alahas, naglitanya siya.

“Kesyo may concert daw ang anak niya sa Europe, meron pa raw sa Amerika, kaya gusto man niyang um-attend, e, hindi puwede. ‘May concert kami,’ sabi ni mommy.

“Nagpadala rin siya ng datung! Ipambili na lang daw ng mga food na kakainin ng batch nila, sabi pa rin ni mommy. Mara­ming naangasan sa kanya, ibang-iba na nga kasi ang datingan niya,” kuwento ng aming source.

Heto na. Umikot ang gulong ng buhay. Nagkaroon sila ng problema ng anak niya. Matindi ang kanilang away na nauwi pa nga sa sumbatan.

“Ang nakakaloka, balik-chika na uli siya sa mga kumare niya. Nakikihalubilo na siya uli, kasi nga, meron na siyang kaila­ngang ibenta.

“Alahera na si mommy! Nagbebenta na siya ng mga alahas, pati ang mga branded bags and shoes niya, e, ibinebenta na rin niya! Paano nga, wala na siyang sustento mula sa anak niya, e, magkaaway pa sila!

“Natatawa na lang nang palihim ang mga amiga niya. Inuna kasi niya ang pagyayabang na para bang wala nang katapusan ang kasikatan ng anak niya!

“Kilala pa rin naman ang anak niya pero wala nang masyadong raket! Paminsan-minsan na lang! Balik na sa dating buhay si mommy na madalas kinakapos, kaya kailangan niyang magbenta ng mga branded stuff niya,” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Labrusca tinatakan ang kaangasan

NAKAPANGHIHINAYANG ang magandang pagsisimula ng career ni Tony Labrusca. Magagandang oportunidad ang ibinigay sa kanya ng ABS-CBN. Maganda ang exposure niya sa La Luna Sangre at ng iba pang serye ng Dos.

Nang-agaw siya ng pansin at talagang pinagpistahan sa obra ni Direk Connie Macatuno na Glorious. Tinutukan talaga ng buong bayan ang mainit niyang pakikipag-lovemaking kay Angel Aquino na parang wala nang bukas.

Pero nang dahil lang sa kanyang gusto na hindi niya nakuha at idinaan niya sa marahas na paraan ay natapon nang lahat ang magagandang ipinakita niya. Bina-bash siya nga­yon. Tinatawag na maangas, abusado, mayabang at masyadong bilib sa kanyang sarili.

Tinatakan kasi ng buong bayan ang maangas niyang pakikipag-usap sa isang Immigration supervisor na ang kanyang sabi, “People are asking and taking pictures with me and you’re giving me a hard time!”

Sa kolokyal na pana­nalita, “Hindi n’yo ba ako kilala? Artista ako!” Inis na inis kay Tony ang mga kasunod niya sa pila. E, ano nga naman ngayon kung artista siya? Porke ba artista siya, e, puwede na niyang bastusin maging ang mga opisyales ng Immigration?

“Buti nga, walang nagsabi sa kanya kung sino nga ba siya? Hindi ngayon at luma­labas na siya sa TV, e, kilala na siya ng buong mundo!” inis na komento ng kaibigan naming propesor.

Naalala tuloy namin si Colonel Jude Estrada at si Luli Arroyo. Nu’ng nakaupong pangulo ang kanilang mga magulang ay pumipila sila, hindi nagpapaimportante porke anak sila ng presidente, kaya sino ba si Tony Labrusca para baliin ang batas sa Pilipinas na pinaiiral ng Immigration?
US passport ang kanyang hawak, turista siya, kahit pa parehong Pinoy ang kanyang mga magulang. Kung hindi siya maligaya sa tatlumpong araw na pamamalagi dito na ibi­nigay sa kanya ay maki­pag-usap siya nang maayos at makatao.

Ayan tuloy, nasilip ang pagtatrabaho niya dito nang walang working visa-permit, malaking leksiyon ang matututuhan niya ngayon dahil sa kawalan niya ng galang sa mga opisyal ng gobyerno.

Anger management. Pagkalalaki ng mga muscles ni Tony Labrusca, umuumbok din ang kanyang abs, pero ni hindi pala niya kayang rendahan ang kanyang emosyon.