Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Inabisuhan lahat bago binuksan Magat Dam – NIA

0 306

Giniit ng National Irrigation Administration (NIA) na sinunod nila lahat ng protocol sa pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam, kasama na rito ang babala sa mga maaapektuhan ng pagbubukas ng mga gate nito.

Sa nilabas na pahayag ng NIA, nakasaad na dalawang araw bago ang pananalasa ng bagyong `Ulysses’ ay nag-isyu na sila ng babala sa mga nakatira malapit sa Cagayan River at Magat River.

“Officials have warned residents living near low-lying areas, particularly those adjacent to and along Magat River and Cagayan River to move to higher and safer places as the dam continues to release water starting November 9,” pahayag ng NIA.

Ayon pa sa NIA, nakipag-usap din sila sa iba’t ibang sangay ng gobyerno tulad ng Office of Civil Defense (OCD), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa), Regional Agricultural Fisheries Extension Network at iba pang ahensya kaugnay ng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Sa pamamagitan din anila ng NIA-Magat River Integrated Irrigation System ay binigyan ng babala ang lahat sa pamamagitan ng text, telebisyon, radio, print, social media at sirena ukol sa sitwasyon ng dam.

Sa Facebook page ng NIA noong Nobyembre 9, makikita ang mga sulat kina Isabela Govenor Rodolfo Albano III, Cagayan Governor Emmanuel Mamba at iba pang opisyal na posibleng magpakawala ng tubig ang Magat Dam dahil sa bagyong `Ulysses’. (Raymark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.