Abante Tonite Interactive

Inagawan ng higaan, lolo pumatay

341

Isang malalim na saksak ang itinarak ng isang lolo sa kapwa nito basurero matapos umano itong agawan ng higaan sa ilalim ng Kamuning flyover sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Ang biktimang namatay noon din ay si Danny Abalos, 34-anyos, scavenger, may-asawa at walang permanenteng tahanan. Ang tumakas namang suspek pero nasakote rin matapos ang limang oras na paghahanap ay nakilalang si Baltazar Patdi, 62, isa ring scavenger.

Sa ulat kay P/Lt, Roldan T Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), ang krimen ay naganap dakong alas-3:45 nang madaling-araw sa ilalim ng Kamuning flyover, BarangaySacred Heart, QC.

Ayon sa asawa ng biktima na si Jackilyn Bukat, nagtalo nitong Martes nang gabi ang kanyang mister at suspek dahil sa agawan ng higaan sa ilalim ng flyover.

Nagalit si Baltazar dahil inagawan siya ng puwesto ng higaan ng mag-asawa kaya habang natutulog ang dalawa sa kariton ay saka niya inundayan ng isang malalim na saksak sa dibdib ang biktima. (Dolly Cabreza)