Abante Tonite Interactive

Inarestong party drug supplier ng mga artista, politiko pakakantahin

By
3,592

Patutugain ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang naarestong dalawa umanong supplier ng iligal na droga at mga ‘party drug’ sa ilang celebrities at mga politiko sa isinaga­wang buy-bust operation sa Muntinlupa City.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga suspek na sina Rajiv Gidwani, residente ng 12 Toledo St., corner Tagaytay St., Alabang Hills Village sa Barangay Cupang, Muntinlupa, at Jeremiah Carillo.

Sinabi ni Aquino na may dalawang buwan nilang sinurveillance ang tahanan ni Gidwani bago nila isinagawa ang buy-bust dito dakong alas-6:45 nang gabi nitong Mayo 25, na nagresulta rin sa pagkakum­piska ng mahigit P1 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng mga iligal na droga.

Sa surveillance ay ilang celebrities, model, politiko at mga anak ng politiko, ang namataan ng mga tauhan ng PDEA-Special Enforcement Service (SES) na pumapasok sa tahanan ni Gidwani, upang bumili ng iligal na droga habang ang iba ay doon na bumabatak.

May mga nakita rin umanong mga numero ng mga sikat na artista sa cellphone ni Gidwani, na hinihinalang kliyente nito, gayunman tumanggi pang pangalanan ng PDEA chief.

Kabilang sa inaresto rin naman ng mga awtoridad ang ama ni Gidwani na si Kishinchand, 63, matapos na magtungo sa tanggapan ng PDEA at tangkain silang suhulan ng P1 milyon at mga diamond kapalit nang pagpapalaya at pag-uurong ng kaso sa kanyang anak.