Abante Tonite Interactive

Inawat mag-shabu, tatay kinatay ng anak

By
922

Tinadtad ng saksak sa katawan at pinalo pa ng matigas na bagay sa ulo ng anak na binata ang kanyang 64-anyos na ama makaraang magtalo sila dahil sa droga sa loob ng kanilang bahay sa Mandaluyong City kamakalawa.

Patay na nang matagpuan ang biktimang si Rodolfo Bonsato sa loob ng kanilang bahay sa No. 73 Banana St., Block 37, Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, ng nasabing lungsod.

Nadakip naman ang kanyang anak na si Rolando Bonsato, 43-an­yos at nag-iisang anak ng biktima. Sinampahan na ito kahapon ng kasong parricide.

Ayon kay Sr. Supt. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong Police Station, dakong alas-siyete ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanilang bahay na nakahandusay sa kama at naliligo sa sariling dugo ng isa nilang kapitbahay.

Napag-alaman sa kanilang mga kapitbahay na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama dakong alas-dos ng madaling-araw hanggang sa marinig na lang nila na humihingi ng tulong ang matandang Bonsato at ilang saglit pa ay natahimik na ito.

Kinaumagahan ay sinilip ng isa nilang kalugar na si Jimmy Reyes ang bahay ng mag-ama at doon tumambad sa kanya ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima.

Naaresto sa follow-up operation ng pulisya ang suspek habang nagtatago ito sa Brgy. Barangka Ibaba, Mandaluyong City.

Ayon pa kay Villace­ran, nang tanungin ang suspek kung ano ang dahilan nito at bakit niya pinatay ang kanyang sariling ama, paiba-iba umano ang sagot nito.

Pero napag-alaman na gumagamit umano ng shabu ang suspek at madalas na magtalo ang mag-ama dahil palaging pinagsasabihan ng tatay ang anak na tumigil na sa paggamit ng droga.