Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Indelible ink ng Comelec

0 331

Hindi pa uso ang internet, binubusisi na ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng pondo ng mga ahensiya ng gobyerno. Isa sa aking nakilalang magaling humukay noon ng mga COA report ay ang retiradong reporter na si Mike Genovea kaya naman laging itong nakaka-iskup.

Ngayong digital age na, hindi lang mga reporter ang puwedeng kumalkal sa COA report kundi pati mga ordinaryong tao na siyang nagbabayad ng buwis at siyang ginagamit na pondo ng bawat ahensiya ng gobyerno.

Isa ang COA sa tatlong Constitutional commission sa Pilipinas. Ang dalawa ay ang Civil Service Commission (CSC) at ang Commission on Elections (Comelec). Ang CSC at Comelec, kabilang sa ina-audit ng COA kaya hindi sila maaaring magloko sa paggamit ng pondo.

Abala ngayon ang Comelec sa paghahanda para sa 2022 national at local elections kaya kaliwa’t-kanan ang isinasagawang bidding. Noong nakaraang Martes, Agosto 17, ating napag-alaman na nagsagawa ng online bidding ang Comelec para sa gagamiting indelible ink. Ito po ‘yung nilalagay na tinta sa daliri pagkatapos mong bumoto para hindi ka na makaboto sa ibang polling precinct.

Anim na kompanya ang lumahok sa bidding na pinangasiwaan ng Bids and Awards Committee (BAC) ng Comelec. Kabilang sa lumahok ang Ideal Marketing, T and E Enterprises, ASA Color, Arik General Merchandising, Topbest Printing, at MCX International.

Nadiskuwalipika agad ang Ideal Marketing at Arik General Merchandising dahil sa isyung teknikal kaya ang mga naiwan ay ang ASA Color, T and E Enterprises, Topbest Printing, at MCX International.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ngayon pa lang, duda na ang grupong Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) sa ilang kompanyang nagbi-bid kaya pinaalalahanan nila ang Comelec na maging maingat sa pagkakaloob ng kontrata.

Nagsumite raw ang T and E ng mga dokumento na nagkaroon sila ng ‘single largest contract’ na nagkakahalaga ng P19.5 milyon at may sales invoice na nagpapakita na non-VAT ito. Kung non-VAT company ito, nararapat na hindi lalagpas sa P3 milyon ang kanilang gross receipt alinsunod sa BIR Rule, Revenue Regulation 16-2005.

Nagpakita rin sila ng Mayor’s permit na may gross receipt na “0” ngunit may kinita silang P10 milyon base sa kanilang audited financial report. Indikasyon umano ito na wala silang idineklarang kita. Apat lang ang empleyado ng kompanya pero nag-aambisyon na masungkit ang P72 milyong kontrata sa Comelec.

Tungkol naman sa MCX International, may nakapagsabi na motorsiklo ang pangunahing negosyo nito. Indelible ink ang kailangan ng Comelec at hindi pang-change oil. May joint venture rin umano ang kompanya sa Yuyao Fair Stationary Company na nakabase sa China na isa nang ‘red flag.’

Dapat patunayan ng mga nabanggit na kompanya na mali ang mga ibinibintang sa kanila kaya naman handa ang pitak na ito na ilathala ang kanilang panig.

Mahalaga ang transparency sa bidding. Anumang itinatago ay mahuhukay din ng COA sa takdang panahon. Tandaan po natin, walang lihim na hindi nabubunyag.

Leave A Reply

Your email address will not be published.