Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Indikasyon ng mahusay na car wash shop

0 76

Mahal na ang singil sa tubig.

Kaya ang mga dating sinasarili ang paglilinis o paghuhugas ng sasakyan sa pamamagitan ng timba-timba at tabo tabo system ay tumatakbo na sa mga car wash para makatipid sa gastos at makaiwas sa pagod at abala sa kapitbahay, lalo yaong mga walang sariling paradahan.

Pero hindi lahat ng car wash ay kathumbs-up-thumbs-up ang resulta ng gawa at sa katunaya, sa karanasan ko ay mas maraming nakakadismaya kumpara sa mga katanggap-tanggap na uri ng paglilinis.

Siyempre, sa una ay talagang mabibighani na magpahugas ang sinumang nagdadrive ng marungis na oto kapag nakita niyang sumisirit ang sprayer ng pressurized water na susundan ng pagbuga ng foam soap.

Pero sa totoo lang, hindi ang dalawang yan ang batayan ng mahusay na car wash shop kundi ang estilo ng mga car wash attendant kung paano dumitalye ng paglilinis ng sasakyan.

Sa mga beterano sa car wash, sa unang galawan pa lamang ng mga attendant ay alam na nila kung maayos ang mga ito o pomoporma lamang.

Pomoporma lamang kapag ang unang nilinis ay ang mga tagiliran matapos ang bubong (sa basic training kasi talagang dapat na unahin na linisin ang bubong bilang pinakamataas na bahagi ng sasakyan patungo sa pinakamababang bahagi).

Beterano naman at maaring sabihin na pulido ang gawa ng mga car wash shop na bago basain ang sasakyan ay inuuna munang linisin ang cabin sa pamamagitan ng vacuum matapos baklasin ang mattings, pagpunas sa dashboard, rear view mirror, mga upuan at pag-alis ng mga basu-basurang nakasiksik sa mga compartment (pero dapat ay nagpapaalam muna ang attendant bago itapon ang mga papel-papel.)

Kapag malinis na ang loob at naibalik na ang mga dapat ibalik, isasara na ang mga pinto nito at saka babasain ng pressurized water bago bugahan ng foam soap.

Sa pagbasa sa sasakyan, dapat kasama sa mga nadadaanan ang mga sulok sulok sa kinakabitan ng apat na gulong upang matanggal ang mga alikabok at putik na posibleng kumapit sa mga ito.

Pagdating naman sa mga gulong, normal na mga sa mga matitinong car wash attendant na isa isahin ang mga singit-singit ng mga mags upang matanggal ang mga alikabok at higit sa lahat, kung ang exhaust pipe ay stainless, kasama din ito sa sinasabon at pinapakintab (napakarami kasing car wash na hindi ito ginagawa).

Matapos sabunin ay babanlawan ito ng pulido habang mawala ang mga natitirang bula-bula bago punasan hanggang sa matuyo at kapag tuyo na ay muling iikutan ang buong sasakyan upang makita kung may nakaligtaang pasadahan ang kanilang mga magic basahan.

Sa Quezon City ay mga mangilan-ngilan na car wash shop na ganito ang kalidad ng trabaho kaya naman talagang babalik ka at mabibigyan mo pa ng maayos na tip ang kanilang mga attendant na pihado namang matutuwa at bago ka umalis ay itatanong pa sa iyo kung kailan ka babalik.

Ganito rin ba ang car wash shop niyo?

Leave A Reply

Your email address will not be published.