Abante Tonite Interactive

Indonesia durog sa Gilas Thirdy Swabe!

384

All-around game ang ipinamalas ni Thirdy Ravena, ­humakot ng 23 puntos, walong rebounds, dalawang ­assists at dalawang blocks upang dominanteng tulungan ang Gilas Pilipinas sa pagbigo sa Indonesia, 100-70, sa ­unang laro nito sa FIBA Asia Cup 2021 Qualifiers sa Britama Arena sa Jakarta, Indonesia.

Pinasimulan ni Thirdy katulong ang kanyang kuya na si Kiefer ang pag-alagwa ng Gilas sa ikalawang yugto upang bitbitin ang koponan sa pagsalo sa liderato ng kinabibilangan na Group A sa unang window para sa 2021 FIBA World Cup.

Nag-ambag si Roger Pogoy ng 16 puntos, anim na rebounds, dalawang assists at isang steal habang si CJ Perez ay may 11 puntos, limang rebounds, tatlong assists at apat na steals.

Si Kiefer ay tumapos ng 10 puntos, isang rebound, tatlong assists at apat na steals.

Itinala ng Gilas ang pinakamalaking abante sa 30 puntos sa pagbuhos ng 27-9 bomba sa huling yugto sa 93-63.

Ibinuhos ng Gilas ang 7-0 alagwa sa pagsisimula ng ikaapat na yugto para itala ang 21-puntos na abante sa 74-53 para kontrolin ang labanan sa huling 12 minuto. (Lito Oredo)