Abante Tonite Interactive

Industriya ng LPG irereporma

337

Isinulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagkakaroon ng isang national policy at regulatory framework para sa lokal na industriya ng liquefied petroleum gas (LPG) bunsod ng kabi-kabilang sunog na sanhi ng mga depektibong tangke nito na iligal na ibinebenta sa mga pamilihan.

Sa Senate Bill No. 1188 o Act Providing for the National Energy Policy and Regulatory Framework for the Philippine LPG Industry na inihain ni Gatchalian, layunin nito na palakasin at i-streamline ang mga batas at re­gulasyon na nakakasakop sa lokal na industriya ng LPG.

“Itong panukalang batas na ito ay hindi lamang magsusulong ng reporma sa industriya ng LPG sa bansa, bagkus, ito rin ay naglalayong matugunan ang iba pang problema na may kinalaman sa seguridad, kaligtasan, kalusugan at pangkalikasan. Layunin din natin na tiyakin ang kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Gatchalian, chairman ng Se­nate Committee on Energy.

Ayon sa record ng Department of Energy (DOE), 53% o 49,174,460 na mga Pinoy noong 2011 ang gumagamit ng LPG para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Sa pagtatala ng DOE, tumaas ng 10.4% taon-taon ang pagbili o consumption ng LPG mula 2007 hanggang 2017.

Inihain ni Gatchalian ang panukala dahil na rin sa kabi-kabilang balita na ilan sa sanhi ng sunog sa bansa ngayong taon at noong 2018 ay dulot na rin ng depektibong LPG.

Sa ilalim ng panukala, ang DOE ang mangunguna sa pagpapatupad ng batas, kabilang na ang pag-re-regulate, pagsu-supervise, at pagbabantay sa lahat ng kasama sa LPG Industry.

Sabi ni Gatchalian, binibigyang pangil ng batas na ito ang DOE para isulong ang istriktong pagsunod sa pamantayan ng kalidad at kaligtasan na nakasaad sa Philippine National Standards.

Inaatasan din nito ang lahat ng LPG player na kumuha ng license to operate mula sa DOE bago sila makapagsi­mula ng kanilang operasyon. Ang naturang lisensya na ibibigay ng DOE ay magtatagal ng tatlong taon.
Nakasaad din sa batas na kabilang sa sinasabing mga illegal act ang hoarding, underfilling, illegal refil­ling, at pag-operate ng walang karampatang lisensya.

Sinuman ang lumabag sa batas ay magmumulta mula P 5,000 hanggang P10 milyon depende sa nilabag na gawain.

Maaari ring mabawi ang lisensiya, ma-impound ang produktong LPG at makulong ang mga hindi susunod sa batas. (Dindo Matining)