Abante Tonite Interactive

Infrastructure program para sa ginhawa ng bayan

By
174

Mababang sahod, mataas na presyo, at kawalan o kakulangan ng trabaho ang pangunahing ipinag-aalala ng mga Filipino.

Ito ang resulta ng survey ng Pulse Asia na ginawa mula Marso 23 hanggang 28 na may 1,200 mga res­pondent nationwide.

Mula sa mayayaman hanggang sa middle class, lower middle class at iyung pinakamahihirap, ang mataas na bilihin at mababang sahod ang concern.

Hindi na tayo nagtataka at hindi na kailangan pa ng ganitong survey para malaman ang problema ng mga tao.

Huwag na po tayong lumayo at tanungin na lang natin ang ating mga kamag-anak o kapitbahay. Mas malamang sa hindi, mababang sahod at mataas na presyo ng bilihin din ang sagot nila.

Ganito tayo noon, ganito pa rin tayo ngayon. Kahirapan pa rin ang problema.

Ito ang estado ng buhay na pinapangarap ng lahat na mabago at ang pangunahing institusyon na sinasandalan nila na tutupad sa pangarap na ito ay ang gobyerno. Kahit paano naman, may ginawa ang gobyerno noon at ginagawa ang gobyerno ngayon na may magandang bunga sa buhay natin.

Kaya lang, kung pagbabatayan ang mga ganitong resulta ng survey, malinaw na panandalian lamang ang ‘pahinga’ sa kahirapan. Kumbaga, hindi sustainable ang mga anti-poverty measure.

Kung sustainable anti-poverty direction din lang ang pag-uusapan, matagal na nating itinutulak ang massive infrastructure sa buong bansa.

Sa katunayan, para na tayong sirang plaka sa pag-iingay tungkol dito pero hindi pa rin tayo tumitigil dahil alam natin na ito talaga ang pangunahin sa mga solusyon sa kahirapan.
Kailangan natin ng maraming kalsada, tulay, piyer, modernong airport, at maaasahang mass transport system.

At siyempre, hindi mawawala at pangunahin sa ating listahan ang railway system na nakikita nating maaaring magsilbing backbone ng ating ekonomiya.

Sa tren, bibilis ang pagbibiyahe ng mga raw material at ka­lakal kaya maraming negosyante ang mahihikayat na magtayo ng mga pabrika, tindahan, financial institution, call centers at iba pang labor-oriented establishments.

Kaya dadami ang trabaho at dahil mabilis at maayos na madadala sa mga pamilihan ang mga produkto sa pamamagitan ng tren, magiging mababa ang presyo ng mga bilihin dahil liliit ang transportation cost.

At kapag mara­ming trabaho, magiging masigla ang merkado dahil may pambili ang mga tao kaya makikinabang ang mga gumagawa ng produkto, nagbibiyahe, at nagtitinda.

Kung may trabaho ang mga magulang, makakapag-aral na ang mga anak, may ipon para sa pampagamot at kalusugan, at may konting sobra para sa paminsan-minsang bonding ng pamilya sa restoran ng fried chicken at french fries.

Ganito lang kasimple ang ‘ginhawang’ nais maabot ng ating kababayan. Walang luho, walang yabang, at hindi kailangan ng maraming salapi.

Sa infrastructure program, sustai­nable ang ginhawa ng ba­yan.