Abante Tonite Interactive

Ingat din ‘pag may time

456

julius-segovia

Dahil mahaba-haba ang araw na walang pasok sa opisina, marami sa atin ang piniling magbakasyon sa probinsiya ngayong Semana Santa.

Pami-pamilya at magkakaibigan ang tiyak akong magkakasama sa travel goals this holy week. Madalas tuloy na walang naiiwan sa bahay kundi ang asong bantay.

Ang masaklap, pagbalik mo galing bakasyon – nalimas na ng mga kawatan ang mga gamit at kasangkapan mo sa loob ng bahay.

‘Yan ang ayaw mangyari ng pulisya. Kaya hindi sila nagsasawa sa pagbibigay ng paalala.

Kung aalis ng bahay, ikandado ang lahat ng pinto at bintana para walang madaanan ang sinumang magtatangkang pumasok at magnakaw.

Ibilin sa pinagkatiwalaang kapitbahay ang iyong bahay. Iwasang mag-iwan ng note sa labas ng bahay na nagsasabing walang tao sa loob.

Para iwas aberya, siguruhing walang naiwan na nakasinding kandila, bukas na electric o gas stove o tumutulong gripo ng tubig at naka-plug na ­appliances.

Iligpit ang anumang mahalagang bagay o pag-aari sa labas ng bahay na maaaring nakawin tulad ng mga damit sa sampayan, bisikleta o sasakyan.

Iwasan ding mag-post sa social media ng iyong whereabouts. Kung kating-kati ka na magpost ng pictures, huwag ilagay ang location o i-customize ang mga makakakita nito. Malalaman kasi ng mga masasamang loob na ‘on vacation’ ka at baka pasukin ang iyong bahay.

Importante ring naka-open at operational ang mga CCTV sa loob at paligid ng iyong bahay. I-konek ito sa iyong cellphone para may chance kang ma-view ito habang nasa malayong lugar.

Kung kaya ng budget, OK ding maglagay ng alarm sa bahay para alam kung may paparating na tao.

Hindi naman nagkukulang sa paalala ang mga awtoridad. Ang sa akin lang, maging responsable rin tayo. Huwag gumawa ng mga bagay na alam nating ikapapahamak din natin sa huli.