Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ingat sa tag-ulan

0 170

Tuloy tuloy ang pag-ulan nitong nakalipas na ilang linggo. Nalingat lang tayo, naka tatlong bagyo na ang nakadadaan sa Pilipinas nitong linggo.

Dahil dito, pinapaigtingan na magingat para sa ating kapakanan. Maraming ibang karamdaman na makukuha ngayong panahon ng tag-ulan. May mga safety tips din naman na maaaring sundin. Huwag basta humawak ng maski anong kable dahil hindi natin masabi kung buhay na kuryante ang taglay nito. Iwasan maglakad sa ulan, lalo na maligo dito. Kug minsan parang napaka presko nito, ngunit mataas din ang posibilidad ng makakuha, hindi lang ng viral infection, kundi pati bacterial, parasitic, at fungal infections. Protektahan ang sarili sa mga lamok. Marami ding karamdaman ang maaaring madala nito dahil nagiging breeding ground ng lamok ang mga naipong tubig at madali silang dumami. Mga sakit gaya ng dengue at malaria ay dala ng lamok. Kung lalabas, siguruhin may jacket o kapote at payong nang hindi basta basta mabasa ng ulan. Kung magmamaneho, hinay hinay lang dahil sa basang kalye, pwedeng mag skid ang sasakyan at maaksidente, o di kaya maka-aksidente. Sa bahay, siguruhin na nakatanggal sa saksakan ang mga iba’t ibang appliances para maiwasan magkaroon ng problema sa kuryente kung bumaha. Ang mga bintana din ay dapat nakasara nang hindi pumasok ang ulan. Maaari din maghanda ng emergency kit sa pagkakataong kailangan lumikas dahil sa baha.

Sa pansariling kalagayan naman at ng ating pamilya, makabubuti na kumain ng wasto para mapanatili ang lakas natin. Sa mga panahon na ganito, maaaring kumain ng mga kinalakihan nating pagkain gaya ng champorado, arroz caldo o goto, bulalo, sopas, o sinigang. Kumpleto ang mga ito sa sustansaya dala ng carbohydrates, protina at fat. Kasabay na ang masarap na hagod sa ating sikmura dahil sa init na dala nito. Syempre kasama na dito ang mga gulay at prutas ngunit iwasan natin ang mga nakabalat na o nakahiwa dahil sa posibilidad na tubuan ng bacteria at magkaimpeksyon. Isama na din ang tuluyang paginom ng tubig. Hindi dahil malamig ay hindi na mangangailangan nito.

Kung hindi sapat ang nakakain, marapating uminom ng mga supplements. Kabilang dito ang vitamin C, at D3. Kasama na din ang vitamin A at E at ang B complex o (B1, B6, B12). Kasama na din dito ang Calcium, zinc, at magnesium. Lahat ng ito ay may kaniya kaniyang mga benepisyo, ngunit ang parepareho, silang lahat ay nagpapalakas ng ating immune function at system. Maaari na din samahan ng Omega3 at mga probiotics.

May mga gusto ng panahon ng tag-ulan, mayroon din namang ayaw nito. Ang totoo, hindi yan mawawala, kaya siguruhin lamang natin na tayo ay palaging handa dito, mapasarili, mapapamilya, mapa sa kapaligiran natin

Hanggang sa susunod! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.