Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Inggit sa bakuna

0 161

Nag-iba na ang ihip ng hangin sa vaccination rollout ng gobyerno laban sa COVID-19.

Kung dati ay inaayawan ang magpabakuna dahil sa mga agam-agam sa posibleng epekto ng bakuna at takot na malagay sa peligro, iba na ngayon ang pananaw ng publiko.

Dati ay naririnig natin ang “vaccine hesitancy” o pagdudua, pag-aalinlangan dahil sa takot na matulad sa karanasan ng mga naturukan g dengvaxia, ngayon ay mayroon na umanong “vaccine envy”.

Karamihan na kasi ng mga tao, lalo na sa Metro Manila ay bakunado na ng una at ikalawang dose kaya mataas na ang kumpiyansa na may proteksiyon na sila at panlaban sa COVID-19.

Kaya naman ang mga hindi pa naturukan ng COVID vaccine ay nakaramdam na ng inggit at gusto na ring mabakunahan sa lalong madaling panahon.

Pero hindi po dahil gusto na ring maturukan ay pupunta na kaagad sa vaccination center para makuha ang una at ikalawang turok.

Mayroon pong proseso para dito at ilang lungsod po sa Metro Manila ang mayroong sistema na dapat magparehistro online para makakuha ng slot sa bakuna.

Kaya lang, mayroong ibang mamamayan na bigla na lamang susugod sa vaccination site at kapag hindi nabigyan ng slot ay nagwawala at nagmumura sa mga duktor at mga guwardiya.

Nagbabanta pa ang mga ito na magsusumbong sa media o kaya naman ay ireklamo sa isang radio at tv personality.
Wala naman pong problema sa pagpapabakuna, ibinibigay talaga ito ng gobyerno ng libre pero kailangang sundin ang proseso dahil mayroong sistema para sa maayos na vaccination rollout.

Kung sino pa ang hindi marunong sumunod at umintindi ay siya pang mga maiingay at nag-eeskandalo na para bang inapi sila at hindi binigyan ng pansin ng mga lokal na pamahalaan.

Lahat ay mababakunahan dahil nais ng gobyerno na makuha ang mayorya ng mga Pilipino para sa tinatarget na herd immunity.

Kapag nagtagumpay ang pamahalaan sa herd immunity ay hindi malayong maibalik natin ang dating normal na buhay.
Nagbunga na ang paulit-ulit na pakiusap ng gobyerno dahil minimal na lamang ang bilang ng mga tumatanggi sa COVID vaccine, at mas marami na ngayon ang naghihintay ng tawag at schedule kung kailan sila matuturukan ng panlaban sa COVID-19.

Malaking bagay po ito para sa gobyerno dahil walang ibang hangarin kundi ang kaligtasan ng mga Pilipino laban sa peligro ng COVID-19 at para sa inaasam na masayang paskong Pinoy.

Konting tiyaga lang po at disiplina dahil lahat ay mababakunahan dahil padating na ang bulto ng supply ng COVID vaccines sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.