Abante Tonite Interactive

Iniikutan ako ng paruparo

91

Nanaginip akong nasa parang garden, hindi pamilyar sa akin ang lugar at may malaki at makulay na paruparo na laging umiikot sa akin. May pagkakataon pang parang pinasusunod ako ng paruparo pero nawala ito at habang hinahanap ko ay doon na ako nagising. Nag-iwan sa akin ng pakiramdam na parang may malaking nawala sa buhay ko dahil sa pagkawala ng paruparo.

 Positibong panaginip ang paruparo dahil simbolo ito ng kasaganaan sa hinaharap lalo na kung lumilipad-lipad ito sa iyong panaginip. Kung iba’t ibang kulay ang nakita mong paruparo, simbolo ito ng naghihintay na tagumpay. At kung higit pa sa isang paruparo ang iyong nakita sa panaginip, good news ang indikasyon nito.

Ang paruparo ay nagpapakita ng kagandahan ng buhay at puwede ring sumisimbolo sa isang magandang pagsisimula. Maaari mong ikonek ang iyong panaginip sa aktuwal na buhay dahil nagpapakita ito na anumang nangyayari sa iyo ngayon ay umaayon­ sa iyong mga plano. Tulad ng paruparo, i-enjoy mo lamang ang mga nangyayari dahil tulad niya ay may kalayaan ka namang magdesisyon kung saang direksyon ang gusto mong tahakin.

Ang paruparo ay sumisimbolo rin sa kalayaan kaya kung ikaw ay nasa isang nakakasakal na relasyon, posibleng may lihim na paghahangad ang iyong inner self na maging malaya na tulad ng pag­lipad-lipad ng paruparo sa iyong panaginip na sabi mo’y tila pinasusunod ka hanggang sa ito’y mawala. Indikasyon kaya ito ng iyong paghahangad na makawala? Ikaw lamang ang higit na makakapagsabi nito kaya pag-aralan ang nangyayari sa iyong buhay.

Related Posts

Ang pagkawala ng paruparo sa iyong pana­ginip na ayon sa iyo ay nag-iwan ng kalungkutan sa iyong paggising ay maaari ring ikonek sa ispi­ritwal mong pangangailangan. Isa rin kasing Christian symbol ang paruparo na nangangahulugan ng spiritual enlightenment.

Kung wala ka namang inaalala sa iyong personal na buhay, tingnan mo na lamang ang positibong simbolismo ng paruparo. Ang iyong inner self na ang nagpapaalala na kailangang tingnan mo sa positibong anggulo ang iyong buhay. Magpokus sa mga magagandang nangyayari at ipagpasalamat na maganda pa rin ang buhay.

 ***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER  ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspekto ng buhay.  Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.