Abante Tonite Interactive

Initial investigation sa Samar misencounter Pulis ‘di mukhang NPA

By
666

Paano mapagkakamalang rebelde ang mga pulis samantalang malinis ang kanilang mga suot na uniporme at maayos ang kondisyon ng panahon?

Ito ang mga katanungang lumabas sa isinasagawang inisyal na imbestigasyon sa naganap na misencounter ng pulis laban sa mga militar sa Barangay San Roque, Sta. Rita, Samar nitong Hunyo 25.

Base sa salaysay ng mga pulis na nakaligtas sa misencounter, taliwas sa mga naunang ipi­nahayag ng militar na nababalutan ng putik ang uniporme ng mga pulis kaya hindi nila nakilala ang mga ito at napagkamalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Sa inisyal na im­bestigasyong inilabas ng Special Investigation Task Group (SITG), makikita sa ilang litrato na ang mga pulis ay tinitignan ang mapa ng lugar habang nagpapatrolya.

Base sa mga miyembro ng 805TH company ng PNP Regional Mobile Force, ang mga litrato ay kuha dakong alas-nuwebe ng umaga sa Sitio Lunoy, Barangay San Roque sa bayan ng Sta. Rita noong Hunyo 25 sa cellphone ng isa sa mga napatay na pulis.

Base sa affidavit ng isa sa nakaligtas na opisyal ng pulis, maayos ang panahon at visible ang lahat ng bagay habang tinitignan nila ang mapa ng lugar.

“In fact I was checking the map just with broad daylight, it was a fair weather condition,” pahayag ng police officer sa panel ng SITG.

Nakatakda na sanang muling lumakad ang grupo nang bigla na lang silang paulanan ng bala kaya ipinag-utos ng opisyal na maghiwa-hiwalay sila, magtago at lumaban.

Dagdag-salaysay pa nito na habang pinapaputukan sila ng grupo ay isa sa mga ito ang sumigaw ng, “Ano? Mayayabang kayo. Magsilaban kayo”.

Agad umano siyang kumontak sa tactical command upang iulat ang pangyayari at mayroon na silang napatay na kasamahan at suga­tan ang iba pa dakong alas-9:20 ng umaga.

Hindi naman nagbigay ng komento si Lt. Col. Arnel Floresca, commanding officer ng ng 87th Infantry Battalion. Paliwanag nito, hindi pa umano niya nakikita ang mga litrato at wala siyang awtoridad para magbigay ng pahayag.