Abante Tonite Interactive

Inspirado ang mga atletang Pinoy

0 202

Inaasahan na nga­yong buwan ilalabas ang hatol sa Maguindanao masaker.

Disyembre 19 ang inilabas na petsa ng korte sa pagbaba ng hatol.

Isa tayo sa nakatutok sa kasong ito kung saan ay 58 ang nasawi kabilang na ang ilang kasamahan natin sa pamamahayag.

Hangad nating ma­kamit na ng mga ka­awang-awang biktima ng masaker ang katarungan sa ibababang hatol na ito sa krimeng nangyari noong Nobyembre 23, 2009.

***

Bumawi ang mga organizer ng Southeast Asian (SEA) Games dahil sa nakakamanghang presentasyon sa ope­ning ng palaro na nasa ilalim ng pamamahala ng Pilipinas.

Aba’y natulala at talagang makalaglag panga ang ipinamalas sa opening show ng SEAG na dinaluhan ng libo-libong tao.

Sa katunayan, ma­ging si Pangulong Rod­rigo Duterte ay tuwang-tuwa sa kanyang nasaksihan at nag-viral ang video kung saan ay makikitang napapaindak ang Pangulo sa saliw ng awiting ‘Manila’ na binansagang ‘Duterte move’ ng mga netizen.

Sabi tuloy ng mga kritiko ng SEA Games, sa isang iglap ay na­kabawi ang mga organizer dahil sa talaga namang pang-international ang nasaksihang performance sa ope­ning ng SEA Games.

Hindi siyempre nakaligtas kay Pangulong Duterte ang magandang napanood sa opening, kaya maging ito ay puring-puri ang mga organizer, performer at volunteer na nasa likod ng naturang pagtatanghal.

True naman, isang gabi ng pagpapakita ng kulturang Pinoy at pagkakaisa ng la­hing Pilipino ang na­ngibabaw sa opening night.

Lahat ay tumayo at nagbigay pugay sa mga atletang Pinoy.

Ipinakita ng karamihan na sa kabila ng pagtatalo ay namamayani ang pagkakaisa kapag nasa harap na ng laban.

Isama pa ang ta­gumpay ng mga atletang Pinoy na sa unang araw pa lamang ay nakasungkit na ng 23 ginto.

Kaya hangad natin ang patuloy na panalo ng mga ating mga manlalarong sasabak sa iba’t ibang sports at sana rin ay wala nang pambabatikos pa upang makatutok sa laban ang mga pambato natin sa SEA Games.