Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Instant baker sa pandemya

0 340

Maraming naghahanap ng extrang pagkakakitaan ngayong pandemya. Isa sa sinusubukan ang baking. Kaunting panonood sa internet, nagiging instant baker na! Kung gusto nyo ng dagdag na ideya sa maaaring gawing business, subukan nyo ang pag-bake ng macaroons o macarons.

Ang macaron ay matamis na merengue na gawa sa puti ng itlog, asukal at almond meal (arina mula sa almond nuts). Pero ang gagamitin natin sa recipe ay mga buong almond nuts na babalatan, tutustahin at didikdikin.

Sa France ito sumikat pero Italyanong chef ang nagpakilala nito kay Queen Catherine de Medici noong panahon ng Renaissance. Simula ng 19th century, ang tipikal na Parisian-style macaron ay may palaman sa gitna. Mamasa masa ito na madaling matunaw sa bibig.

Sa paggawa ng macarons, kailangan ng:
4 na egg whites
3 1/2 tasa ng confectioner’s sugar
4 na kutsarang asukal
1/4 kilo almonds na binalatan, tinusta at dinikdik.

Sa isang mixer bowl, batihin ang puti ng itlog hanggang maging malambot at tumutulis ang ibabaw kapag inaangat Dahan dahang idagdag ang asukal habang binabati muli ang pinaghalo-halo. Angatin muli ang panghalo at tingnan kung tumutulis ang ibabaw nito.

Ilahok na ang dinikdik na almonds. Kung gagamit ng food coloring, ihalo at itupi tupi sa mixture.

Ilagay ang mga pinaghalo-halo sa isang piping bag at bumuo ng mga bilog sa baking sheet na nilangisan at nalinyahan.

I-bake sa isang pinainit na oven sa 350 degrees Fahrenheit hanggang maging malutong. Dalawampung minuto ang oras ng pagbe-bake. Bahagyang palamigin at dahan dahang tanggalin sa baking sheet para hindi masira ang cookies.

Kung gustong lagyan ng palaman ang inyong macaron, kailangan ng:

1 tasa ng unsalted butter na medyo pinalambot
3 tasa ng powdered sugar
1 kutsarita ng vanilla extract
3 kutsara ng heavy cream

Sa isang malaking bowl, ilagay ang butter at batihin sa isang mixer ng 1 minuto hanggang maging fluffy. Salain ang powdered sugar habang inilalagay sa bowl at batihin hanggang humalo sa butter. Idagdag ang vanilla at batihin. Ilagay na ang cream na paisa isang kutsara sa bawat lagay, batihin hanggang sa maghalong mabuti. Ilagay ang buttercream na ito sa isang piping bag at ilagay ang buttercream filling sa bawat macaron. Ipatong dito ang isa pang macaron para makalikha ng parang sandwich.

Puwedeng itago ang iba pa sa isang container na hindi makakapasok ang hangin para lalong sumarap.

Leave A Reply

Your email address will not be published.