Abante Tonite Interactive

Insurance sa mga barangay official, tanod hinugot sa disaster fund

191

Ibinasura ng Commission on Audit (COA) ang petition for review na hiniling ng municipal accountant ng San Miguel, Surigao del Sur kaugnay sa P1.1 mil­yong insu­rance pre­mium na hinugot mula sa local disaster fund.

Base sa desisyon ng COA, walang merito ang inihaing petisyon ni Godfrey Albarillo, municipal accountant sa nasabing bayan.

“Mr. Albarillo’s act of certifying in the (disbursement voucher) the completeness and validity of supporting documents of subject irregular expenditures made him liable,” ayon sa COA.

Nabatid na noong 2014 ay kumuha ang pamahalaang bayan ng San Miguel ng life insurance mula sa Fortune Life Insurance Co. Inc. para sa kanilang mga barangay official, tanod, mga health worker at iba pang vo­lunteer at hinugot ang pagbabayad nito mula sa Local Disaster Risk Reduction Management Fund (LDRRMF).

Hindi ito pinaya­gan ng COA regiona­l director dahil wala umanong ligal na batayan ang pagkakaloob ng insurance coverage.

Sabi ng COA, malinaw na nakasaad sa COA Circular No. 2012-002 ang paggamit ng LDRRMF.

“In this case, the municipality failed to submit proof that the barangay officials, tanods, health worker, and vo­lunteers are Accredi­ted Community Disaster Volunteers by the Office of Civil Defense as provided under Sec. 13 of RA 10121,” ayon sa COA kung kaya’t “irre­gular” umano ang pagkuha ng personnel accident insurance.

Isasampa ng COA sa Office Ombudsman ang nasabing usapin para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso. (Yves Briones)