Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Intel agent: Bata ni Mayor Sara nasakote sa drug raid

0 111

Naroroon ang dating information officer ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na si Jefrey Tupas nang salakayin ng mga operatiba ang party na ginanap sa Sea Eagle Beach Resort sa Davao de Oro noong Nobyembre 6, ayon sa isang intelligence agent.

“Nandoon pa si Tupas ng pumasok mga operatiba. Medyo nagkabiglaan nung nagpakilala siya na staff ni Mayor Sara. Sa gulo medyo nadapa pa siya, nangudngud, tapos pinatabi – nilayo sa iba. Hindi ko na alam, kung ano nangyari sa kanya, kasi busy na kami sa iba,” lahad ng intelligence agent na kasama sa raiding team.

Una nang sinabi ni Tupas na wala na siya sa resort nang maganap ang pagsalakay.

Sinibak ni Mayor Sara si Tupas noong Lunes.

Batay sa mga opisyal na ulat na napasakamay ng Abante Tonite, high value target (HVT) ang 17 katao na inaresto sa resort.

Nakasaad sa ulat na ang pangunahing target ng pagsalakay ay si Revsan Ethelbert Papay Elizalde at apat na iba pa nitong kasamahan.

Si Elizalde, 33-anyos, ang nag-organisa umano ng party na para sa mga imbitado lamang ang puwedeng dumalo.

Kabilang sa mga naaresto ay dalawang negosyante, isang accountant at isang registered nurse, ayon pa sa ulat.

Sinampahan na sila ng mga kasong possession of illegal drugs sa isinagawang inquest proceedings noong Lunes.

Walang nirekomendang piyansa sa mga suspek na kasalukuyang nakadeteni sa National Bureau of Investigation (NBI) compound sa Davao City.

Leave A Reply

Your email address will not be published.